Articles

Bukas na Liham ukol sa Pribilyehong Pabahay

Sa mga susunod na mga buwan, ang Opisina ng Pabahay sa ilalim ng pangangasiwa ng Bise Tsanselor para sa Gawaing Pangkomunidad ay magsasagawa ng sapilitang pagsasara o pag-padlock ng may higit sa 70 yunit pabahay na iligal na inookupa ng mga di-konektado sa UP.

Ang mga yunit naman na iligal ding inookupa ng mga nagawaran ng pribilehyo ngunit matagal nang nalampasan ang panahong inilaan para sa paglagi sa naturang yunit o mga overstaying ay sasampahan ng kriminal na habla para sa paglabag ng Artikulo 221 at 222 ng Kodigo Penal sa dahilang di pagtalima sa mga liham na naglalayong ipasuko ang inookupahang yunit na pag-aari ng pamahalaan. Liban pa ito sa opsyong pagpapadlock sa kadahilanang na may higit sa 150 ang mga ito.

Sa kasalukuyan, may walong (8) yunit ang nai-padlock ng U.P. Diliman Pulis sa pamumuno ni Kapt. Ruben I. Villaluna at Major Bernie V. Baltazar. Mayroon din namang mga nagbabarikada sa Pook Amorsolo na ihahablang kriminal ng U.P. Diliman para sa paglabag ng Artikulo 221 at 222 ng Kodigo Penal.

Ang nasabing mga Artikulo ay:

Art. 221. Failure to make delivery of public funds or property. — Any public officer under obligation to make payment from Government funds in his possession, who shall fail to make such payment, shall be punished by arresto mayor and a fine from 5 to 25 per cent of the sum which he failed to pay.
This provision shall apply to any public officer who, being ordered by competent authority to deliver any property in his custody or under his administration, shall refuse to make such delivery.
The fine shall be graduated in such case by the value of the thing, provided that it shall not less than 50 pesos.
Art. 222. Officers included in the preceding provisions. — The provisions of this chapter shall apply to private individuals who in any capacity whatever, have charge of any insular, provincial or municipal funds, revenues, or property and to any administrator or depository of funds or property attached, seized or deposited by public authority, even if such property belongs to a private individual.

Ang kasong sibil para sa ejectment/unlawful detainer ay tinatayang di matuwid na paraan upang mabawi ang mga yunit sa dahilang ito ay mas nauukol sa pribadong sektor at hindi sa propyedad ng gobyerno. Ang 2 - 5 taon na itinatagal ng mga kasong sibil kung kalian di magagalaw ang yunit na ipinaubaya sa paghuhusga ng MTC/RTC ay isa pang mabigat na katwiran kung bakit di ito pinipiling paraan ng pagbawi sa mga yunit pabahay.

Higit sa lahat ang pabahay ay pribilehyo lamang at di kailanman nahihinog tungo sa pagiging karapatan. Malinaw na itinatalaga ng mga bagong alituntunin ukol sa pabahay (huling sinusugan noong 18 Mayo 2005) na binibigyan lamang ng hanggang 15 taon, na hinati sa 3 kasunduang muling-pinagtitibay kada 5 taon, ang bawat nagawaran ng pribilehyo. Maaaring isalin sa asawa o anak ang pribilehyo kung may 7 taon nang naninilbihan ang anak o asawa sa pagtatapos ng 15 taong termino. Mayroon din namang mahabang listahan ng higit 500 aplikante mula sa hanay ng kawani at guro na bahagya nang nababawasan dahil sa umiiral na mali at mapang-abusong pag-iisip na ang gawad ng pribilehyo ay panghabang-buhay at maaari pang ipamana pagsumakabilang-buhay na.

Ayun pa sa bagong mga alituntunin, ang 25 aplikanteng may pinakamataas na puntos ayon sa batayang : bilang ng taong paninilbihan, pagkakamit ng masteral at doctoral degrees at iba pang batayan, ay dalawang grupo bawat taon (Hunyo at Disyembre) ang inilalathala sa UP Newsletter upang ang sinumang may kaalaman ng batayan para sa diskwalipikasyon tulad na pag-aari ng sariling bahay sa loob ng 15 km radius palibot ng Oblation, kawalan ng basehan para sa puntos, at iba pa, ay maaaring bigyang karampatang aksyon ng Komite sa Pabahay. (Ang kabuuang alituntunin ay ipalalathala sa website ng OVCCA: www.upd.edu.ph./~ovcca)

Mula sa may pinakamataas na puntos pababa, ang pumasang 25 ay makakapili sa 25 yunit na na-padlock, nabakante o na-isuko na ihahain ng Opisina ng Pabahay. Ayun din sa mga alituntunin, ang sinumang di makapili at di makapagbigay ng mapang-udyok na kadahilanan para sa pagtanggi sa mga yunit na inihain ay di magagawaran ng pabahay sa susunod na 2 taon nang walang namang kalakip na pagbaba sa ranggo.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ng Komite sa Pabahay ang i. paghihiwalay ng kategorya at mga mapapagpiliang yunit pabahay sa pagitan ng guro at administratibong kawani sa dahilang ang sistema ng pag-ipon ng puntos ay nagbubunga ng resulta kung saan ang kawani ay lubhang naiiwan at di-kailanman makakaabot sa puntos ng mga aplikanteng guro; ii. ang pagsasa-isangtabi ng porsyento ng kinukolektang renta para sa karaniwang pagpapa-ayos sa mga yunit tulad ng drainage, plumbing at termite control maintenance; iii. ang pagrebisa sa pormula ng reimbursement para sa sariling pagpapa-ayos at polisya sa renovations; iv. ang pagpapang-abot ng antas ng renta ng iba’t-ibang klaseng yunit upang iwasan ang piliian batay sa halaga ng renta; at v. ang mas masinsin na dokumentasyon ng kondisyon at naisagawang pagpapaayos sa mga yunit pabahay gamit ang visitorial powers ng Opisina ng Pabahay upang maipatupad ang mga alituntuin laban sa pagbebenta ng nakalalasing na inumin, mga tanke ng gasul, atbpang paglabag sa mga alituntunin; upang maisagawa ang kinakailangang pag-mantina; at sa kabuuan ay mapangalagaan ang propyedad ng Pamantasan.

Inaasahan na ang paglalahad sa komidad ng mga suliranin, dagliang kalutasan at pag-aaral/pagrerebisa sa mga alituntunin at patakaran ay magbubunga ng pinag-ibayong unawaan sa pagitan ng Opisina ng Pabahay at ang komunidad na kanyang pinagsisilbihan at, kung papalarin pa, ang kusang-loob na pagsusuko sa mga iligal na okupadong yunit pabahay ng mga kinauukulan.

Buong may paggalang na sinusumite sa komunidad para sa kanilang kaalaman.

1 Septyembre 2005.

IDA MAY J. LA ‘O
Bise-Tsanselor para sa Gawaing Pangkomunidad

Binigyang sipi: Tsanselor; Mga Bise-Tsanselor; Mga Dekano, Direktor at Pinuno ng mga Yunit; Mga Asosasyon ng Residente; ang Unyon at mga myembro ng Komite sa Pabahay.

Back to Articles Main