Articles

KATUGUNAN SA BUKAS NA LIHAM PARA SA BISE-TSANSELOR PARA SA GAWAING PANGKOMUNIDAD TUNGKOL SA PAGPAPAALIS MULA SA ACADEMIC OVAL NG 16 NA KASAPI NG UP MANININDA

Tunay na “absurdo” ang mga kadahilanan para sa pagpapaalis sa 16 na manininda mula sa oval na binanggit sa bukas na liham ng CONTEND-UP. Absurdo dahil hindi naman ang mga iyon ang tinukoy na dahilan sa aming nakaraang pagpupulong sa mga kinatawan ng UP Manininda. Sadya marahil na di magkakaintindihan ang mga sarado ang isip sa pagkikipagtulungan.

Kung tunay na interes ng estudyante at mga guro ang sinasaloob ng 16 na manininda at hindi ang halos-walang puhunan at napakasaganang pangangalakal sa pinaka-estratehikong lugar ng kampus , ay bukas silang makikipagtulungan sa administrasyon sa paglutas sa suliranin ng kakulangan sa paghahatid serbisyo ng pagkaing abot-kaya, masustansya at walang banta sa kalusugan.

Sapagkat ito ang tunay na dahilan. Ito ay kinikilalang matuwid na hinaing at sinusubukan ito lutasin ng administrasyon sa pamamagitan ng pagrasyunalisa sa renta at iba pang rekisito na hinihingi ng bidding and awards committee sa mga konsesyonaryo sa bawat gusali.

Lingid sa inyong kaalaman, ang mga di-umano’y pinapaboran na konsesyonaryo ay isa-isa nang nagsara at nalugi dahil na rin sa di-matibag na kompetisyon ng manininda, may permit man o wala. Dikta lamang ito ng ekonomikong pwersa at namayaning pag-iisip sa ating mga mag-aaral ngunit kung mababago ang ilang patakaran ng unibersidad ay maari pa itong maituwid.

Ang inaaral ng administrasyon ay ang ibagsak ang renta o kaya’y ipako sa maliit na porsyento ng aktwal na naipagbibiling pagkain at tanggalin ang mga mabibigat na rekisito na hinihingi sa mga konsesyonaryo tulad ng aircon, atbpa upang lubhang mas mura nito maipagbili ang masustansya at ginagarantiyahang malinis na pagkain.

Ang pagbabalanse ng mga interes ng mga iba’t-ibang grupo sa kampus ay mahalagang tungkulin ng anumang administrasyon. Ngunit walang magtatagumpay na proyekto kung walang magbibigayan. Ang pagpapaatras sa 16 na manininda sa labas ng akademikong oval ay bahagi ng pagrarasyunalisa sa paghahatid serbisyo sa pagkain.

Kung hindi palilipatin sa labas ng oval ang mga ito ay pinapatay ng UP ang mga konsesyon na ibig naman talagang paburan dahil may kakayahan maghain ng at masustansyang pagkain. Kung hanggang junk food, fishballs at sinabawang kanin lang ang kaya ng UP ihain sa kanyang mga guro at mag-aaral ay lalo namang masasabing naging pabaya ito sa kanyang tungkulin.

Isa pa’y may humigit kumulang na 70 ang binigyang permiso na manininda sa kampus. Ang permit ay isang pribilehiyo na di kailanman nahihinog tungo sa pagiging karapatan. Ang permit ay para sa ambulant vending at hindi gumagawad ng permanente at ispesipikong lugar saan man sa kampus. Higit sa lahat, walang dapat pinapaboran na grupo sa kabuuan na 70. Ngunit sa praktika ay malaki ang bentahe ng 16 na manininda na nakapwesto sa kapusuan ng kampus.

Higit sa lahat, sa pagtitimbang sa pangangailangan ng malinis, mura at masustansyang pagkain sa isang banda at interes ng mga 16 na manininda sa kabilang banda, malinaw at resonableng ang interes ng 16 ang kinakailangan magparaya.

Sa panghuli’y wala pang malinaw at mapagkumbinsing katuwiran ang naibibigay ang 16 upang panatiliin sa gitna ang mga pwesto nila. Ang CONTEND-UP at mga pumirma sa bukas na liham ay maaari pa rin namang dayuhin ang kanilang mga suking manininda sa kanilang lilipatang lugar. Kung walang drastikong pagbaba sa presyo ng bilihin mula sa mga bagong konsesyonaryo sa ilalim ng pinaplanong rasyunalisasyon, ay saka na lang magiging matuwid na batikusin ang administrasyon.

Ngunit kung lahat ay sarado sa pagbabago at di bibigyang pagkakataon ang mga ibig maisaayos ang pamumuhay natin dito sa UP ay wala nang alternatibong maaasahan pa kundi ipagpatuloy na lamang ang kinabihasnang paghihirap at panganib sa kalusugan.

Hinihingi lamang namin na maging bahagi sana tayong lahat sa kalutasan at hindi sa suliranin; yaman din lamang nagkakaisa tayo na sa harap ng lalong humihirap na pamumuhay ay may obligasyon pa rin tayong bigyan ng makabuluhang opsyong pangkalusugan ang lalong nakararami at sa pangmatagalan.

Buong may galang at pagpipitagang sinusumite para sa kaaalaman at konsiderasyon ng komunidad. 17 June 2005.

(Atty.) IDA MAY J. LA ‘O
Bise-Tsanselor para sa Gawaing Pangkomunidad
Hepe, Tanggapang Legal ng Diliman

Binigyang sipi: Tsanselor/ Bise-Tsanselor para sa Administrasyon/ Bise-Tsanselor para sa Gawaing Pang-Akademiko/ Bise-Tsanselor para sa Gawaing Pang-Mag-aaral/ Lahat ng mga Dekano, Direktor at Pinuno ng mga Yunit / Philippine Collegian at Diliman Information Office

Back to Articles Main