print preview

Ang UP Bilang Pamanang Bayan

Nauna kang dumating nung umagang iyon sa AS lobby, kung saan napagkasunduan ng inyong grupo sa Kas 1 na magkita para talakayin ang nalalapit ninyong pag-uulat sa klase. Alas diyes ng umaga, mag-isa kang naghihintay at tanging kasama mo ang relo na nakapagkit sa dingding malapit sa may paanan ng hagdan patungo sa ikalawang palapag ng Palma Hall. Makalipas ang tatlumpung minuto, wala pa rin ni isang anino ng iyong mga kaklase. At, sumasakit na ang mga ugat mo sa leeg sa pagpapalit-palit ng sulyap sa hawak na cellphone at sa nag-iisang relo na mahigpit ang kapit sa dingding.

Hindi na bago ang ganitong eksena para sa iyo. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita mo ang bilog na orasan. Ilang beses mo na itong dinaanan at sinulyapan dahil sa makailang beses ka nang nahuli(o muntik mahuli) sa iba mo pang klase sa RGEP sa Palma Hall. Ilang beses mo nang dinasalan ang relong iyon, na ‘sana maaga pa’ para may pagkakataon pa sa .25 na plus points sa attendance.

Pero sa pagkakataong ito, iba naman ang iyong dasal: ‘sana dumating na ang aking mga groupmate’. At dahil sa paghihintay at makailang ulit na pagsulyap sa relo na siyang duminig ng iyong mga panalangin, ngayon mo lang napansin na sa ilalim pala ng relong ito nakapako ang isang marker at laking gulat mo na ang naturang pananda ay nagpapakilala kay Rafael Palma.

Sino nga ba si Rafael Palma? Bakit ipinangalan sa kanya ang makasaysayang Palma Hall? Kung hindi pa nahuliang mga kasama mo, hindi mo malalaman na si Rafael Palma ang ikaapat na presidente ng UP mula 1923 hanggang 1933 at siya ang kinikilalang father of academic freedom matapos nitong ipaglaban ang awtonomiya ng unibersidad.

Alam mo ba na dati ang bas-relief ng mukha ni Palma, at hindi ang relo, ang makikita sa bahaging iyon ng dingding ng AS lobby? Pero ninakaw ang naturang bas-reliefat ang relong iyon ang ipinalit ng kolehiyo para hindi mahalata ang nawawalang marker.

Ilan lamang iyan sa mga kuwento sa likod ng mga mahahalagang monumento, mga markero plake at iba’t iba pang uri ng memorials na makikita sa loob ng unibersidad na ibinahagi ni Dr Ricardo Jose, propesor ng Departamento ng Kasaysayan sa Kolehiyo ng Sosyal Sayans at Pilosopiya, sa kanyang panayam na pinamagatang UP Memorials and Monuments.  Muling binalikan ni Dr. Jose ang mga bantayog sa loob ng kampus sa pagtatangkang muling buhayin ang nilulumot na alaala ng mga ito.

Pananaw ni Jose, mas maraming mga bantayogna nagbibigay-pugay sa mga indibidwal at ang kanilang papel sa paghubog ng kasaysayan ng bansa. Ito kung ikukumpara ang bilang ng mga bantayog atpanandasa mga makasaysayang pangyayari at ang relasyon nito sa bansa.

Kanyang sinabi, “Memorials and monuments are meant to keep certain events and persons in the collective memory of persons who see these memorials. We find several types in UP Diliman, built or named during various periods of UP – and Philippine – history. But all attempted to instill in the UP community a sense of historical memory, to build up nationalist consciousness.” 

Sa kanyang muling pagbisita sa mga bantayog sa loob ng kampus, nakabuo si Jose ng dalawang kategorya ng mga alaalang ito: ang tradisyonal at di-tradisyonl.

Para kay  Jose, pumapaloob sa tradisyonal na kategoryaang pagpapangalan sa mga lansangan at gusali ganoon din sa mga bulwagan, pavilions, silid at silid-aklatan. 

Karaniwang gamit sa pagpapangalan ng mga lansangan sa iba’t ibang lugar sa loob ng kampus ang pangalan ng dating mga pangulo ng bansa, pambansang bayani, mga Pilipinong siyentipiko at manlilikha tulad ng mga mang-aawit at kompositor ng musika. Dagdag pa ni Jose, pinangalanan ang mga lansangan mula sa mga makasaysayang digmaan na nilahukan ng mga kolonyalistang Amerikano noong panahon na ang UP ay nasa ilalim pa ng pamamahala nito.

Sa mga gusali naman, karaniwang mga pangalan ng mga nauna at naging presidente ng UP ang pinaghalawan. Ginagamit din sa pagpapangalan ng mga gusali ang mga naging pangulo ng bansa at mga pambansang bayani. Ilan dito ang Malcolm Hall ng College of Law; Melchor Hall ng College of Engineering; Benitez Hall ng College of Education, ang Palma Hall ng College of Social Sciences and Philosophy; Gonzalez Hall ng Main Library at marami pang iba. Meron ding Bonifacio Hall ng School of Labor and Industrial Relations, Melchora Aquino Hall ng College of Social Work and Community Development at Teodora Alonso Hall ng College of Home Economics. Ito ang unang dalawang gusali na tanging nakapangalan sa babae.

Ang mga pangalan ng alumni ng UP, mga administrador at mga propesor ang karaniwang gamit sa pagpapangalan sa mga bulwagan, pavilions, silid at silid-aklatan. Kaya nariyan ang Recto Hall sa Faculty Center mula kay Claro M. Recto, Llamas Hall, Villadolid Hall, Wilfrido Ma. Guerrero Theater at iba pa.    

Ang ikalawang uri ng mga memorial na tinukoy ni Jose ay tinawag niyang di-tradisyonal na uri. Sa kategoryang ito pumapasok ang pagpapangalan sa mga puno mula sa kilalang miyembro ng akademya sa UP tulad ng mga historyador. Kaya mag-ingat ka sa pagbabasa sa lagoon dahil baka iyong masandalan o matapakan ang mga bagong tanim na puno na ipinangalan kina Teodoro Agoncillo, Encarnacion Alzona at Rafael Palma na siyang pangalan ng huling punong itinanim ng Departamento ng Kasaysayan bilang pagdiriwang ng tanggapan ng Linggo ng Kasaysayan ngayong taon. Sa ganitong uri ng mga memorial pumapasok din ang pagpapangalan sa ilan pang bahagi ng UP gamit ang pangalan ng mga personalidad na pinaniniwalaang malaki ang ambag sa paghubog sa kung ano ang UP noon at ngayon.

Alam mo ba na ang may-akda ng Isang Dipang Langit at ng sosyopolitikong nobela na pinamagatang Mga Ibong Mangdaragit na si Amado V. Hernandez ang siyang opisyal na pangalan ng Lagoon na idineklarang freedom park noong panahon ng Martial Law bilang pagbibigay-pugay sa makabayang manunulat?

Mapa-tradisyonal man o hindi tradisyonal, tahasang sinabi ni Jose na tila napapabayaan na ang ilan sa mga bantayog na ito. Paliwanag pa niya, “Some of the plaques have been refurbished this year, during the centennial. But sadly, others have not been and are now very difficult to read. Worse yet, some of them have disappeared. Some are grand and remain grand today; others were grand but almost forgotten now. Still others have been stolen.”

Bukod sa bas-reliefni Palma, marami pang panandaang nawawala at hindi na napalitan hanggang sa ngayon. Alam mo ba na ang Sunken Garden ay may opisyal na pangalan? Na ang lugar kung saan mo napapanood ang paborito mong banda tuwing UP Fair ay tinatawag na “Del Pilar Parade Ground”? Pero dahil hindi na napalitan pa ang ninakaw na plake na nakapako sa flagpole sa may grandstand, wala na ang natatanging ebidensiya ng taguring ito.

Kung hindi man nawawala, ilan naman sa mga markers na ito ay hindi na napapansin o sadyang hindi na pinapansin. Alam mo ba kung bakit tinawag na Beta Way ang lagusan sa pagitan ng Melchor Hall at ng Palma Hall? Alam mo ba na nung dekada 50, napakalayo ang iniikot ng mga estudyante mula Palma papuntang Melchor Hall? Bukod sa wala pang Ikot jeep noong panahong iyon, iba pa ang pagkalatagng mga lansangan sa UP kaysa ngayon. Dahil dito, pinangunahan ng mga miyembro ng Beta Epsilon Fraternity – kaya tinawag itong Beta Way - ang pagpapagawa ng isang gravel shortcut noong 1952, na pinalitan ng bricks noong 1961 at sa ngayon ay sementadong daan. Ilan sa detalyeng ito ay nakalimbag sa pananda na makikita sa bungad ng Beta Way malapit sa Melchor Hall. Kung hindi dahil sa mga miyembro ng Beta Sigma, malayo pa ang lalakarin ng mga estudyanteng gustong magsimba, magmeryenda sa “koop” o magpa-book bind sa Shopping Center.

Sinabi rin ni Jose, ilan din sa mga memorialna ito ay nakatayo sa mga lugar na hindi estratehiko para sa mga pedestrian tulad ng plake ng makasaysayang 1971 Diliman Commune. Mahalaga ang Diliman Commune sa kasaysayan ng UP. Nagsimula ito sa protesta ng mga estudyante sa pagtataas ng presyo ng langis at pamasahe noong unang bahagi ng 1971. Isang panatikong propesor sa Matematika ang nagtangkang pumasok pero hinarang ng mga militanteng estudyante. Bumalik ang propesor, may dalang baril at pinaputukan ang mga estudyante kung saan may tinamaan, at namatay. Pagkatapos nito, binarikadahan na ng mga estudyante ang mga gate at lagusan ng UP para ideklarang malaya ang unibersidad at mahigpit nilang ipinagbabawal o pinipigilan ang pagpasok ng mga pulis at militar. Tumagal ang commune nang mahigit sa isang linggo. Nagtayo sila ng sariling radyo, naglimbag din ng mga dyaryo at gumawa ng mga molotov at iba pang pampasabog. Ang AS (noon) at mga dormitoryo ang naging himpilan at headquarters, hindi lang ng mga estudyante kung hindi maging ng ilang propesor at iba pang miyembro ng komunidad, kabilang na ang mga fraternity at iba pang grupo. Ang makasaysayang 1971 Diliman Commune ay nakalimbag sa pananda na makikita malapit sa guardhouse sa panulukan ng Emilio Jacinto St. at University Avenue, na kilala ngayon sa tawag na “checkpoint”. Ayon kay Jose, delikado ang posisyon ng naturang panandadahil kinakailangan pang tumawid bago mabasa ito.

Sa kanyang salita, “There was a memorial to the 1971 Diliman Commune. It was put up there in 1995, spearheaded by Chancellor [Roger] Posadas. But again, the only way you can get there is to cross the street, very dangerous and then when you get into that particular ground, there is no place to step on, unless you trample on the grass to get to it and to see what’s written there.”

Ibig sabihin ba nito, dahil sa lokasyon ng pananda, marami sa mga bagong estudyante sa ngayon ang mananakawan ng pagkakataon na madagdagan ang kaalaman sa kasaysayan ng Diliman Commune, kung hindi aksidenteng maikukuwento ng mga propesor na nakakaalam nito sa kanilang klase? Ilan pa ba ang mga propesor na nakakaalam ng 1971 Diliman Commune?  

Isa pang bantayog na kadalasan nating dinadaan-daanan – lalo na ng mga freshmen na tinatangkang makakuha ng Socialized Tuition Fee Assistance Program (STFAP) sa ikatlong palapag ng Vinzons Hall o kaya naman ay nagnanais makapasok sa dormitoryo sa Housing Office sa ikalawang palapag ng gusali – ay ang monumento ni Bonifacio. At dahil kadalasan ay atin lang nilalampasan at hindi binibigyan ng isang minuto para basahin ang nakaukit na mga titik sa naturang monumento, ilan lamang sa atin ang nakakaalam na hindi lang ang persona ni Bonifacio ang binibigyang-pugay ng naturang bantayog kung hindi ang kuwento ng paglipat ng naturang monumento mula sa orihinal na kilalagakan nito sa Balintawak.

Sa kanyang salita, binigyang-linaw ni Jose, “Originally sculpted in the first decade of American rule by Ramon Martinez, it {sculpture of the Cry of Pugad Lawin} had proudly stood near where the famous event took place, in Balintawak. By the mid-1960s, however, it was threatened by the construction of the toll road, which has become the NLEX. Construction of the cloverleaf intersection at Balintawak led to the statue being displaced and for a while it lay abandoned, until the UP, through the Upsilon Sigma Phi fraternity and with the permission of the National Historical Committee, moved it to UP in November 1968.”

Kung hindi man tuluyang napabayaan, dinadaan-daanan o hindi napapansin (o hindi pinapansin), tahasang sinabi ni Jose na wala namang mga markerna siyang paraan upang magbigay-alam sa madla sa mga tao o makasaysayang pangyayari kung kanino o saan ipinangalan ang mga gusali at iba pang lugar sa UP. Isang halimbawa nito ay ang Benitez Hall ng College of Education na ipinangalan mula kay Francisco Francia Benitez. Wala umanong marker na makikita na nagpapakilala kung sino si Benitez saan mang bahagi ng gusali. Ganoon din ang Bonifacio Hall ng SOLAIR, na ipinangalan kay Gat Andres Bonifacio. Ani Jose, isang bust ni Isabelo de los Reyes at hindi ni Bonifacio ang makikita sa kanang bahagi ng entrance ng gusali. Maging sa loob ng awditoryum ng SOLAIR, isang malaking mural ni de los Reyes ang makikita doon. Gayunpaman, isang maliit na tatsulok na marker ang makikita sa may lobby ng SOLAIR na may nakaukit na maliit na mukha ni Bonifacio at nagpapakilala kung ano ang kanyang papel sa kasaysayan ng bansa.

Hindi itinatanggi ni Jose na ilan sa mga bantayog at plakeng ito ay buhay pa sa ngayon. Gayon pa man, ilan sa mga ito bagamat hindi na nababasa pa dahil bukod sa maliit na teksto ay nababalot naman ng dumi, dala ng mahabang panahon ng pagwawalang-bahala.

“Where there are memorials, that we are very proud of and are taken very well to this day, there are a number that have been taken for granted. Probably, the questions that we will be asked, after this presentation is ‘what do we do about it?’,” hamon ni Jose sa buong komunidad ng UP bilang pagtatapos ng kanyang presentasyon.

Ang panayam ni Jose ay isa sa siyam na presentasyon ng mga manunulat sa isinagawang “Kuwentuhan sa Diliman” sa Claro M. Recto Hall, Bulwagang Rizal sa Faculty Center noong ika-28 ng Agosto bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Linggo ng Kasaysayan ng Departamento ng Kasaysayan . Layon ng naturang okasyon na bahagyang pasinayaan ang bawat kabanata o tsapter ng librong UP Diliman as Heritage to the Nation na inaasahang lalabas bago matapos ang taon.

Sa pagsisimula ng programa, sinabi ni Dr. Ferdinand Llanes, ang tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan at tumatayong punong tagapatnugot ng libro, ang pagsusulat umano tungkol sa UP bilang pamanang bayan ay nabuo sa paglalayong maipakita, maisadokumento at muling buhayin o pasiglahin ang kontribusyon ng UP sa iba’t ibang larangan ng akademya.

Kanyang idiniin, “There has to be a conscious and deliberate effort -– in terms of cognizance and meticulous conservation and recording – to bring out the University’s rich elements of history and culture to see it as a great heritage. Lacking this effort, we could lose many of these things (in terms of maintenance, conservation and record), which have spoken of the multi-faceted struggles to create a total community of intellectual engagement and production in the service of the nation.”

Mahaba ang listahan ng mga pamana at ipinagmamalaki ng UP. Muling iginiit ng tagapangulo, “We speak not only of natural and man-made structures but also creations or productions of the arts and sciences and UP events and personalities who made an impact on society and touched many lives. A great number of these things of legacy remain unrecognized, unheralded and undocumented.”

At sa pamamagitan umano ng libro, maisasakatuparan ang mithiing higit pang mapalawig ang kaalaman tungkol sa UP bilang pamana ng bayan.

“The book therefore is cultural history which brings out heritage and its legacy to the community and the people. As a totality, one cannot speak of intellectual production without both the sciences and the music and arts too, or speak of activism without looking into geography too. The book shall appear as one histoire totale of creating for the community and the nation,” paliwanag pa ni Llanes.

Kabilang sa mga kabanatang ito na bubuo sa naturang libro ang pag-aaral ang Diliman: The Lay of the Land ni Prof. Digna Apilado (History); Diliman Campus Plan ni Arch. Paulo Alcazaren (Architecture); Foundations and Structures ni Prof. Rene Mata (Architecture); Everyday Life in UP ni Dr. Luisa Camagay (CSSP-History and UP Press); Science and Technology ni Dr. Jose Magpantay (National Institute of Physics); Symbolic Expressions and the Times ni Prof. Gerardo Lucena (CSSP-Art Studies) at Leadership in the Service of the Nation ni Prof. Herman Joseph Kraft (CSSP-Political Science).

—Floyd Padilla, Information Officer, College of Social Sciences and Philosophy