NewsSentenaryo98Home

Lakbay-Aral sa Timog Katagalugan

Kaugnay ng pagdiriwang ng ika-sandaang taon ng kalayaan ng Pilipinas, itinataguyod ng UP ang lingguhang paglalakbay sa mga pook na makasaysayan sa Timog Katagalugan ngayong Abril at Mayo. Tumutungo ang lakbay-aral sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas at Cavite kung saan nangyari ang madudugong sagupaan noong panahon ng Himagsikan. Ilang bayani ng bansa ang isinilang sa mga lalawigang ito o di kaya'y doon pumanaw. Ang mga lalawigan ding ito ay puno ng mga makapigil-hiningang tanawin.

Pagbabalik-tanaw sa lalawigan ng Laguna

Ang pangalang "Laguna" ay mula sa La Laguna (the Lake), ang lumang pangalan ng Laguna de Bay o lawa sa bayan ng Bai na ang ibig sabihin ay ("prinsesa").

Matatagpuan ito sa timog-silangang bahagi ng Maynila, sa pagitan ng mga lalawigan ng Rizal, Quezon, Batangas at Cavite. Ang Laguna de Bay, na may habang 48 km. at may lawak na 40 km., ang pinakamalaking lawa sa buong Pilipinas.

Napasailalim sa mga Kastila ang lalawigan ng Laguna noong 1571 nang utusan ni Miguel Lopez de Legaspi ang kanyang apong si Juan de Salcedo na sakupin ang ilan pang mga natitirang bayan doon, na sa ngayon ay bahagi na ng Rizal. Pagkaraan ng misyon ng mga prayleng Franciscano, ilan pang mga bayan ang naitaguyod, kabilang ang Pila, Pangil, Lumban, Siniloan, at Bay, na siyang may pinakamaraming naninirahan. Noong 1770 naging bayan ang Calamba.

Mga pook na makasaysayan:

1. Calamba

Rizal Shrine -- Ang bahay na bato kung saan isinilang si Gat Jose Rizal.

Burol ng Lecheria -- Dito nakatayo ang simbahan ng Iglesia Watawat ng Lahi na kumikilala kay Rizal bilang Kristong Kayumanggi. Sa kasalukuyan ay mayroong tatlong samahan sa burol na ito na mayroong iba't-ibang paniniwala at ritwal.

2. Los Baños

Bahay ni Paciano Rizal -- Nagsilbi itong tahanan ni Don Paciano Rizal, heneral ng hukbong rebolusyonaryo, noong kanyang mga huling araw. Itinakdang shrine ng National Historical Institute noong ika-11 ng Hunyo, 1978, dito inilipat ang mga labi nina Don Paciano at Do¤a Trinidad at Josefa, noong Disyembre 29, 1988. Ang arkitekto ng bahay na ito ay si Andres Luna de San Pedro na anak ni Juan Luna.

3. Nagcarlan

Libingan sa Ilalim ng Lupa -- Bukod-tangi sa buong Pilipinas ang libingan sa ilalim ng lupa sa bayan ng Nagcarlan. Sa pamumuno ni Padre Vicente Velloc ipinatayo ang libingang ito noong 1845. Lihim na nagpupulong sa lugar na ito ang mga pinuno ng Himagsikan sa Laguna noong 1896. Ayon sa mga salaysay, ang simbahan at libingan ay pinag-uugnay ng isang lagusan sa ilalim ng lupa na hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan.

Simbahan ng Nagcarlan -- Ipinatayo ito ng Franciscanong si Tomas de Miranda nang siya ay itinalaga bilang kura noong taong 1583. Natupok ng unang simbahan na yari sa tabla noong 1781. Muli itong ipinatayo na yari na sa semento at bato noong sumunod na taon sa ilalim ng pamumuno ni Padre Vicente Velloc.

4. Liliw

Gat Tayaw -- Itinatag ang bayan ng Liliw noong ika-29 ng Agosto, 1571 sa pamumuno ni Gat Tayaw na siyang naghawan ng kagubatan sa paligid ng ilog.

Simbahan ng Liliw -- Si Rev. Fr. Tornino, isang Kastila, ang naa-tasang mamuno sa pagpapatayo ng simbahan ng Liliw noong 1571 hang-gang 1578.

5. Majayjay

Simbahan ng Majayjay -- Unang itinayo ng mga misyonerong Agustino ang sim-bahan ng Majayjay na gawa lamang sa kawayan at nipa noong 1571 sa sitio May-it. Nagsilbing himpilan ng mga Amerikano ang simbahang ito noong digmaang Pilipino-Amerikano (1912).

6. Magdalena

Simbahan ng Magdalena -- Ito'y ipinatayo at natapos sa loob ng labing-anim na taon, mula 1829 hanggang 1839 at 1849-1855. Dito dagling nagpahinga si Emilio Jacinto minsang siya'y masugatan sa isang sagupaan sa Barrio Maimpis sa bayan din ng Magdalena. May mga bakas ng dugo ni Jacintong maaaninag sa isang sulok ng simbahan.

Labanan sa Sambat -- Sa pook na ito, sa pagitan ng Pagsanjan at Santa Cruz, naganap ang isang madugong labanan sa pagitan ng mga Katipunero at mga Kastila. Marami ang namatay at nasugatan. Kabilang sa mga binawian ng buhay si Francisco Abad, ang pangalawang pangulo ni Severino Taino ng Pagsanjan.

Pagbabalik-tanaw sa Batangas

Ang Batangas ay unang dinaungan nina Martin de Goiti at Juan de Salcedo noong taong 1570. Nakita nila ang isang pamayanan sa may dalampasigan ng Ilog Pansipit na naroon na simula pa noong ikalabintatlong dantaon. Sa loob ng maraming taon, ay unti-unting umunlad dito ang tradisyon ng paghahabi, pagtatanim ng palay at pangangalakal sa mga Arabo, Intsik at Indian.

Noong ikalabing-anim na dantaon ay itinatatag ang bayan ng Taal sa ilalim ng pamamahala ng mga Kastila. Ang lalawigan ng Bonbon, ang sinaunang ngalan ng Batangas, ay itinatag noong 1581. Ang Batangas ang isa sa mga unang lalawigang nag-aklas laban sa mga conquistador noong Himagsikang Pilipino ng 1896.

1. Sto. Tomas

Miguel Malvar Shrine -- Dito matatagpuan ang dambana ni Heneral Miguel Malvar na tubong San Miguel, Sto Tomas. Kabilang siya sa mga kauna-unahang sumapi sa Himagsikan ng 1896 at kabilang sa Hongkong Junta. Isa rin siya sa mga kahuli-hulihang heneral na sumuko sa mga puwersang Amerikano noong Abril 1902.

2. Tanauan

Apolinario Mabini Shrine --A ng dambana ni Apolinario Mabini, ang "Dakilang Lumpo" na nagsilbing "Utak ng Rebolusyon" ay matatagpuan sa Talaga, Tanauan, kung saan siya isinilang. Siya ang may akda ng programang pinag-ugatan ng Konstitusyong 1899 ng Republika ng Pilipinas at ang deklarasyong na "Tunay na Dekalogo."

3. Lipa

Legion De Veteranos Y Hijos Dela Revolucion, Inc. -- Sa Bulaklakan, Lipa ay matatagpuan ang punong-himpilan ng samahan na Legion de Veteranos y Hijos dela Revolucion, Inc., isang samahang nagpapatuloy ng mga adhikain at simulain ng mga bayaning sina Rizal at Bonifacio. Kanilang isinasabuhay ang diwa ng Kartilya ng Katipunan bilang pangaraw-araw nilang gabay at panuto sa kanilang pamumuhay.

4. Taal

Makasaysayan ang bayang ito sapagkat ito'y kasingkaw ng Bulkan ng Taal. Ang Taal ay minsang naging kabisera ng Batangas mula 1732 hanggang 1754. Maraming Taale¤o ang nakaukit sa ating kasaysayan, tulad nina Galicano Apacible, Marcela Agoncillo at Glicerio Villavicencio. Sa bayang ito makikita ang mga dambana ng mga bayaning nag-alay ng kanilang katapangan para sa bayan.

Pagbabalik-tanaw sa Cavite

Ang pangalang "Cavite" ay nagmula sa salitang "kawit" na naglalarawan sa hugis ng peninsula. Ang hangganan ng lalawigang ito sa kanluran ay ang Dagat Timog Tsina; sa hilaga ang Laguna; sa timog ang Batangas; at sa silangan ang Maynila at ang Look ng Maynila. Naging daungan ito noong ika-labinlimang dantaon hanggang 1815, at nagsilbi bilang pasukan at labasan ng mga galyong biyaheng Manila-Acapulco. Noong panahon ng Rebolusyon ay naging sentro ito ng mga operasyong militar at ng Himagsikang Pilipino.

1. Imus

Sa harap ng tarangkahan ng Kampo Heneral Pantaleon Garcia sa pangunahing lansangan mula Imus hanggang Bacoor, matatagpuan ang isang monumento na gumugunita sa labanan sa Imus na naganap noong Setyembre 1-3, 1896. Pinamagatang Laban sa Imus, inilalarawan nito ang katapangang ipinamalas ng mga Pilipino laban sa puwersa ng mga Kastila.

Alapan -- Sa kinatatayuan ng paaralang-bayan ng Alapan, Imus naganap ang kauna-unahang labanan nang muling magbangon laban sa mga Kastila ang mga rebolusyonaryo, sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo, noong ika-28 ng Mayo, 1898. Sa pagkakataong ito unang iwinagayway ang bandilang Pilipino na tinahi ni Marcela Agoncillo.

2. Binakayan

Sa Barangay Polvorista, Binakayan naganap ang pangunahing tagumpay ng mga Pilipino laban sa mga Kastila na naganap noong ika-11 Nobyembre 1896. Ito ay pinangunahan nina Heneral Emilio Aguinaldo at Candido Tirona.

3. Kawit

Sa bayan na ito isinilang si Heneral Emilio Aguinaldo noong ika-22 ng Marso, 1896. Sa durungawan ng bahay niya, iwinagayway ni Heneral Aguinaldo ang bandilang Pilipino noong ika-12 ng Hunyo 1898 at dineklara ang kasarinlan ng Pilipinas habang tinutugtog ang Marcha Filipina Magdalo ng bandang San Francisco de Malabon.

4. Heneral Mariano Trias

Ang bayang ito ay itinatag noong 1720 bilang bahagi ng Magdiwang. Dito naganap ang unang matagumpay na pakikipaglaban sa mga Kastila noong ika-31 ng Agosto, 1896. Ang labanang ito na bahagi ng unang yugto ng Rebolusyon ay pinamunuan nina Heneral Trias at Artemio Ricarte. Sa pook na ito nanuluyan si Andres Bonifacio hanggang mairaos ang kapulungan ng Tejeros noong ika-22 ng Marso, 1897.

5. Tejeros

Sa lugar na ito ng Tejeros, Rosario na-ganap ang unang kapulungan noong Marso 22, 1897 sa pangunguna ni Supremo Andres Bonifacio para sa bagong pamahalaang Himagsikan. Nanalo dito si Heneral Emilio Aguinaldo bilang pinuno. Nahalal na Kalihim Panloob si Andres Bonifacio ngunit ang nasabing halalan ay nabinbin dahil sa hindi pagkakaunawaan ng mga kasapi. Kung kaya't ito ay pinagpatuloy sa Naic.

6. Naic

Sa paaralan ng Naic pinaniniwalaang inilipat ang nabinbing halalan sa Tejeros. Dito rin ginawa ang bagong dokumento na nagpalit sa liderato ng rebolusyon at nagtatag ng sariling hukbong sandatahan ni Bonifacio.

7. Maragondon

Sa isang bahay sa bayang ito nilitis ang magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio ng isang korte-militar sa pamumuno ni Brig. Hen. Mariano Noriel. Sa natapos na Consejo de Guerra, hinatulan ng kamatayan ang magkapatid.

(AROrozco--halaw mula sa polyeto ng Lakbay-Aral)

Mga Dagdag na Balita

See Also

Schedule of Events
UP Centennial Celebrations Home Page


  Main Themes U.P. Decade Mailing List Feedback

Centennial Logo

Lupon ng Sentenaryo
Copyright © 1998 University of the Philippines
Design by CSSP Computer Lab Web Design Group