![]() ![]() ![]() | ||||||
|
|
Paggunita sa mga Lider Obrero at Manggagawang PilipinoTulad ng mga manggagawang Pilipino noong panahon ng Himagsikan, muling nagtipon-tipon ang mga lider obrero kasama ang kanilang kamanggagawa, kamag-anak, at kaibigan, pati na ang mga guro ng UP, upang ipagdiwang ang isang tradisyunal na misang makabayan ng Iglesia Filipina Independiente (Aglipayan). Nagsilbing makabuluhang panimula ang misa, na ginanap noong ika-29 ng Abril sa Bulwagang Andres Bonifacio, UP Diliman, sa pagdiriwang ng ika-isandaang taon ng kilusang paggawa. Sa pangunguna ng Paaralan ng Paggawa at Ugnayang Industriyal (UP-SOLAIR) at ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), ang lahat ay nagbalik-tanaw at nagbigay-halaga sa mga naging kontribusyon ng batayang sektor ng ating lipunan, ang sektor ng manggagawa at magbubukid, sa pag-unlad ng bansa. Labindalawang lider obrero ang pinarangalan: sina Democrito T. Mendoza, Juan C. Tan, Francisco T. Cruz, Lope K. Santos, Martin Bautista, Vicente K. Olazo, Domingo Ponce, Leopoldo Ponelas, Amado Racanay, Feliciano Reyes, Alfredo Saulo at Pedro Siccuan. Sila ay pinarangalan dahil sa kanilang mahalagang kontribusyon sa pagkakaisa ng mga manggagawa sa bansa at sa kanilang habambuhay na pagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa. Kinilala ni Dr. Rene E. Ofreneo, undersecretary ng Kagawaran ng Paggawa at Paghahanapbuhay (DOLE), ang pagkamakabayan ng mga obrero. Ayon sa kanya, ang mga pinarangalan ang "humawan sa daan para sa pagkakaroon ng rehimen ng karapatan sa paggawa at kalayaang sibil, na siyang pundasyon ng matibay na demokrasya at makabagong bansa." Ipinarating naman ni Rehente Oscar M. Alfonso, ang matinding hamon sa mga lider obrero ngayon: ang pagkakaroon ng makabagong pananaw at sistema ng pag-oorganisa sa mga kapwa nila manggagawa na angkop sa panahon ng globalisasyon. Sa okasyon ding iyon, ginunita si Don Isabelo delos Reyes, tagapagtatag ng Union Obrero Democratico (UOD) at itinuturing na ama ng kilusang paggawa, sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang rebulto na matatagpuan sa tabi ng bulwagan. Pinasinayaan rin ang Bulwagan ng Karangalan para sa mga Lider Obrero, na kinatatalaan ng mga pangalan ng mga pinarangalang lider obrero at iba pang manggagawa. Sa pamumuno naman ni UP Diliman Chancellor Claro T. Llaguno, binuksan ang isang photo exhibit na may temang "Sandaang Taon ng Kilusang Paggawa, 1902-2002". Tampok sa exhibit ang kasaysayan ng unyonismo sa Pilipinas at ang mga taong tumulong sa paghubog ng kilusang paggawa. Ito'y nagsisilbing tagapagpaalala sa lahat, sa pagbubunyi sa araw ng paggawa, na ang mga manggagawa ang isa sa mga pinakamahalagang suhay sa pagpapaunlad ng bayan. Ayon kay Dr. Maria Luisa C. Doronila, pangalawang pangulo para sa mga gawaing pangmadla ng UP, "Ang mga magagandang halimbawa at pamana sa atin ng ating mga dakilang kababayan noong panahon ng himagsikan ay siyang dapat na magsilbing inspirasyon sa patuloy na pagtataguyod sa karapatang paggawa ng bawat Pilipino." Ang parangal sa mga lider obrero ay bahagi ng isang taong pagdiriwang ng UP sa sentenaryo ng rebolusyong Pilipino. (CHSese)
|
|
| |||
|
Lupon ng Sentenaryo |
|
|||||