![]() ![]() ![]() | ||||||
|
|
Sandaang Taong Pakikibaka Ng Mga Anak-PawisPunung-puno ng paggunita sa kasaysayan ang simposyum para sa mga lider-magbubukid na ginanap noong Mayo 15 sa Bahay ng Alumni, UP Diliman. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkatipon-tipon ang mga lider ng iba't ibang henerasyon ng pamunuan ng kilusang manggagawa at magbubukid. Ang uring manggagawa at magbubukid ang may pinakamalaking partisipasyon sa mga usapin ng ating bansa. Layunin ng simposyum na suriin ang kanilang mga naging gawain at mga narating sa mahabang panahon ng pakikibaka upang mapaunlad and kanilang sektor, sampu ng iba pang sektor sa Pilipinas. Sa kanyang pambungad na talumpati, ipinahayag ni Presidente Emil Q. Javier ang kanyang pakikiisa sa mga mithiin ng mga magbubukid. Aniya, ito ang dahilan kaya tiniyak ng UP at ng UP Paaralan ng Paggawa at Ugnayang Industriyal (SOLAIR) na magkaroon ng pagkakataon ang mga lider-magbubukid na magtipon at matalakay ang kasaysayan ng kanilang pakikipaglaban. Ang resulta nito'y magsisilbing gabay sa kanilang patutunguhan sa hinaharap. Sinabi rin ni Javier na inspirasyon ng mga mamamayang Pilipino ang mga magbubukid dahil sa kanilang pagpapahalaga at pagmamahal sa bayan. Ang mga pinuno ng iba't ibang samahang manggagawa ay nagbasa ng kani-kanyang akda ukol sa temang "Pagbabalik-tanaw sa Pagpapatuloy ng Sandaang Taon ng Kilusang Magbubukid." Ilan sa mga bumasa ng kanilang katha ay sina Luis Taruc, Vic Tagle ng Federation of Land Reform Farmers, Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Jaime Tadeo ng Demokratikong Kilusan ng Magbubukid ng Pilipinas, Jeremias Montemayor ng Federation of Free Farmers at Leonardo Montemayor, kinatawan ng mga magbubukid sa Kongreso. Unang nagsalita si Luis Taruc, pinuno ng kilusang Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) na nabuo noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Pinuna ni Taruc ang kamalian sa pagsulat ng kasaysayan ng ilang historyador. Ayon sa kanya, kakaunti lamang ang tumatalakay sa pagkakabuo ng mga samahan ng magsasaka at ang naging papel ng mga ito sa mga tunggalian sa bansa. Ang mga tunay na namuno ay hindi nababanggit. Panahon na, aniya, na baguhin ang pagsulat ng kasaysayan upang magkaroon ng makabuluhang pagtalakay dito. Sumang-ayon ang mga lider-magbubukid sa pamumuna ni Taruc. Sinabi ni Vic Tagle na sa mga nagdaang taon hanggang sa kasalukuyan, biktima ang mga magbubukid ng uring kapitalista. Kung kaya sa hinaharap ay kinakailangang pagsikapan na maiahon sila sa ganitong sitwasyon. May mga batas mang nagbibigay proteksyon sa mga magbubukid, hindi naman lahat ay wasto ang implementasyon, aniya. Ayon naman kay Rafael Mariano, maling isipin na isandaang taon pa lamang ang pakikipaglaban ng uring magbubukid at manggagawa dahil pagdating pa lamang ng mga Kastila ay nag-umpisa na silang makipaglaban para sa karapatan ng mga Pilipino. Si Jaime Tadeo, na maka-ilang beses nang ipinadakip dahil sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga magbubukid, ay sumang-ayon na mahigit na nga sa 400 taon na nakikipaglaban ang mga magbubukid upang mapasakanila ang mga lupaing kanilang sinasaka. Ngunit sa pangkalahatan ay kakaunti pa lang (35%) ang naipamahaging lupain sa mga karapat-dapat tumanggap. Upang matamo ang mga nais ng kilusan, kinakailangang isaisantabi nila ang mga personal at pulitikal na interes at magbuklod, ani Tadeo. Naging kapansin-pansin ang pagtalakay ng karamihan sa mga nagtalumpati sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng kilusang magbubukid. Ang pinakamahahalagang kaganapan sa kasaysayang ito ay ang pagkakabuo ng kilusang magbubukid noong 1930 at ang pag-usbong ng iba pang samahan hanggang 1940. Tinalakay din nila ang kakulangan ng seryosong pagpapatupad ng mga batas para sa usapin ng mga magbubukid ng kasalukuyang pamahalaan. Kinatigan nila ang mungkahing magkakaisa upang mas maayos ang pagtalakay at pagresolba sa mga usapin ng mga manggagawa at magbubukid. Para kay Prop. Marissa Soriano ng UP-SOLAIR, sa tinagal-tagal ng pakikibaka ng mga magbubukid ay iisa lang ang kanila daing: lupa para sa nagbubungkal. Upang ito ay matugunan ng mga kinauukulan, kailangang gumamit ang mga grupong manggagawa at magbubukid ng mga bago at kongkretong istratehiya. Upang matiyak ang pagresolba ng ano mang problema ng mga magbubukid, kailangan ngayon ang tinatawag na optimizing position. May bagong batas na tinagurian na Agricultural Modernization Act. Sa pamamagitan nito ay maraming mamamayan ang mabibigyan ng hanapbuhay. Sinabi ni Pangulong Javier na kinakailangang magkaisa ang kilusang mabubukid upang lalong mapalakas at maging epektibo ang pagpapalakad sa kanilang sektor at mapakinabangan nila ang mga batas na tulad nito. Iminungkahi rin ni Javier na magkaroon pa ng mga susunod na pag-uusap ang mga lider upang makabuo sila ng mga bagong programa at agenda. Ipinangako ni Javier na susuportahan sila ng UP at SOLAIR. Ito ang unang pagkakataon na magdaos ng isang simposyum para sa mga lider-magbubukid sa Unibersidad. Ito ay inorganisa ng Pamunuan ng mga Lupon ng 1998 UP Celebrations, UP-SOLAIR at ng Iglesia Filipina Independiente Historical Society sa pamumuno ni Pangawalang Pangulo Leo Albano. Ang talakayan ay idinaos sa tulong ng Ugnayan ng Pahinung¢d-Diliman sa pamumuno ni Dr. Grace Aguiling-Dalisay, UP Kolehiyo ng Arkitektura sa pamumuno ni Dekano Honrado R. Fernandez, University Archives sa pamumuno ni Prop. Salvacion M. Arlante, at ang AMA-Sanduguan. (ZBAlbao)
|
|
| |||
|
Lupon ng Sentenaryo |
|
|||||