![]() ![]() ![]() | ||||||
|
|
Sandaang Taon ng Kilusang Paggawa(Halaw mula sa sinulat ni Prop. Jorge V. Sibal) Nagsimula ang samahan ng mga manggagawa sa Maynila noong 1899 sa hanay ng mga manggagawa sa imprenta at tabako, karpintero, barbero at iba pa. Kapanganakan ng Kilusang Unyonismo (1902) Itinatag ni Don Isabelo de los Reyes ang Union Obrero Democratica Filipina. Isa siyang makabayang peryodista, maykaya at nakapaglakbay sa Europa kung saan niya natutunan ang unyonismo. Siya rin ang nagtatag ng Iglesia Filipina Independiente at naging puno ng Union de Litographos e Impressores de Filipinas. Mula sa Maynila at mga karatig pook, lumawak ang kilusang unyonismo. Nagkaroon ng mga welga laban sa mga mangangapital. Dahil dito, ipinakulong at ipinatapon si de los Reyes kasama ang iba pang lider manggagawa. Humalili sa kanya si Dr. Dominador Gomez na di kalaunan ay nakulong din. Kilusang Unyonismo sa Panahon ng Amerikano (1905-20) Noong 1908 itinatag ang Kagawaran ng Paggawa at legal na kinilala ng mga Amerikano ang mga samahang pangmanggagawa. Nagwakas ang pagsiil sa unyonismo at naging pulitikal ang tunguhin ng mga unyon: kalayaan ng mga Pilipino, pagsasarili ng bansa at eleksiyon, bagay na siyang nilalayon nina de los Reyes. Hindi gaanong naging matagumpay ang Congreso Obrero de Filipina (COF) ni Lope K. Santos na itinatag noong 1913 dahil sa mga pampulitikang layunin nito. Pulos mga manggagawang bukid ang mga kasapi nito na hindi kwalipikadong bumoto sapagkat limitado lamang ang pagboto para sa mga may-ari ng lupa't sa mga marunong bumasa't sumulat. Nahalal bilang kinatawan sa kongreso sina de los Reyes at Gomez bunga ng kanilang pagiging ilustrado at di dahil sa kilusang unyonismo. Mabilis na Pag-unlad ng Unyonismo at Komunismo (1920-35) Itinayo ni Crisanto Evangelista ang Katipunan ng Anakpawis noong 1929. Makalipas ang isang taon, itinatag naman niya ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Lumago sa kilusang unyonismo ang komunismo sa ilalim ng impluwensiya ng Marxismo at Leninismo ng Unyon Sobyet. Matapos mabuo ang PKP, nahati ang COF sa grupong makakomunista at hindi komunista. Inaresto at nakulong ang mga lider komunista sa pangunguna ni Evangelista dahil sa ilegal na pagpupulong. Sa kanayunan namayani ang Partido Sosyalista (PS) na itinatag ni Pedro Abad Santos sa hanay ng mga magsasaka. Noong 1935, ipinatupad ni Pangulong Manuel L. Quezon ang isang programa sa hustisya sosyal bunga ng marahas na pakikipaglaban ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa. Ngunit pinanatili lamang nito ang umiiral na kaayusang panlipunan. Ang Yugto ng Compulsory Arbitration at Unyonismo Pulitikal (1935-53) A. Yugto Bago Magkadigma (1935-41) Ipinatupad ni Pangulong Quezon ang Commonwealth Act (CA) 103 hinggil sa pagtatayo ng Court of Industrial Relations at ipinatupad ang compulsory arbitration bilang pangunahing pamamaraan sa paglutas ng mga isyung pampagawaan. Nilikha rin niya ang CA 213 na nagbigay ng proteksiyong legal sa mga lehitimong unyon. Matapos palayain si Evangelista, nagsanib ang PKP at PS bilang pagpapalakas sa parating na ikalawang digmaang pandaigdig. Nagkaroon ng base ang mga komunistang rebolusyonaryong intelektwal sa Gitnang Luzon kung saan nabuo rin ang HUKBALAHAP sa panahon ng Hapon. Pinangunahan din ng mga komunista ang pagtatatag ng isang pambansang samahan ng paggawa_ang Collective Labor Movement (CLM). Nahati ito sa dalawang paksiyon, ang Confederate Workers' Alliance (makakomunista) at National Federation of Labor (konserbatibo). B. Panahon ng Digmaan (1942-45) Sa pagdating ng mga Hapon, sinikil lahat ng mga gawain sa organisadong paggawa. Nakapaghanda laban sa kanila ang mga komunista sa ilalim ng mga Lava sa pamamagitan ng pagtatatag ng puwersang gerilyang tinawag na HUKBALAHAP. Nakialyansiya sila sa mga sosyalistang lakas ng mga magbubukid (nina Abad Santos at Luis Taruc) at sa mga konserbatibong dinastikong pamunuan (Quezon) at mga kolonyalistang Amerikano (McArthur). Higit na lumakas ang mga puwersang komunista, sosyalista at makabayan matapos ang digma lalo na sa Gitnang Luzon. Nakapagtayo sila ng isang partidong pulitikal (Democratic Alliance) at nakapagpadala ng mga kinatawan sa kongreso. Subalit pinatalsik lamang sila ng mga konserbatibong grupo. C. Yugto Pagkatapos ng Digmaan (1945-53) Naging pinakadominanteng pambansang pederasyon ng paggawa ang Committee on Labor Relations na nasa pamumuno ng mga komunista (di naglaon ay tinawag na Congress of Labor Organization o CLO). Ito ay nasa ilalim ng liderato nina Guillermo Capadocia, Mariano Balgos at Amado V. Hernandez. Sinasalamin nito ang mga patakaran at programa ng PKP. Sumanib ang CLO noong 1949 sa makakomunistang World Federation of Trade Unions. Umabot ng 78 na unyon na may kabuuang 100,000 miyembro ang CLO noong 1950. Naging palihim ang mga grupong komunista at pinalakas ang kanilang puwersa na tinawag na Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB). Naging panahon ito ng tripartismo, compulsory arbitration at unyonismong pulitikal. Dominante ang pakikialam ng pamahalaan sa ugnayan ng paggawa at mangangapital. Sa kabila ng programang hustisya sosyal ni Quezon, hindi naging matagumpay ito upang maisulong ang kapakanan ng mga manggagawa't magsasaka. Sa halip mapahina ng mga batas sa paggawa ang unyonismo, lalo itong umigting. Ang kawalang katuparan nito ang nagbunsod sa PKP at iba pang progresibong samahan sa paggawa upang maglunsad ng mas radikal at militanteng kaparaanan sa paglutas ng mga suliranin. Nangibabaw sa panahong ito ang unyonismong pulitikal. Panahon ng Collective Bargaining at Unyonismong Ekonomiko (Economic Unionism) (1953-74) Naisabatas sa panahong ito ang Industrial Peace Act (RA 875 o Magna Carta of Labor) na naglalayong bawasan ang labis na pakikialam ng pamahalaan at ng mga dayuhan sa kilusang unyonismo. Mula tripartismo, pinairal ang collective bargaining o bipartismo. Bumaling ang unyonismo sa mga kahilingang pang-ekonomiko. Mula 1953 hanggang 1956, apat na beses ang paglaki ng bilang ng mga unyon at tatlong beses naman ang pagdami ng CBA. Gayundin, mula 836, naging 2,522 ang dami ng mga rehistradong unyon sa pagtatapos ng 1966. Itinatag noong 1954 ang Asian Labor Education Center sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas na di kalauna'y tinawag na UP School of Labor and Industrial Relations (UPSOLAIR). Suportado ito ng National Economic Council (ngayon ay NEDA) at ng International Cooperation Administration (USAID ngayon). Nang maisabatas ang Kodigo ng Repormang Agraryo noong 1963, lalong lumawak ang kilusang unyonismo sa hanay ng mga manggagawang bukid. Binigyan sila ng mga katulad ng mga karapatan ng mga manggagawa gaya ng karapatang mag-organisa, minimum na sahod, walong oras na trabaho, seguridad sosyal, workmen's compensation, at seguridad sa trabaho. Watak-watak ang unyonismo sa panahon ng collective bargaining sapagkat maraming hidwaan sa pagitan ng mga unyon at unyonista at mga abogado at karismatikong mga lider obrero. Ito ang naging kahinaan ng unyonismo kaya't hindi ito nakapagtamo ng malawakang mga benepisyo at karapatan para sa mga manggagawa. Panahon ng Collective Bargaining sa Ilalim ng Sistema ng Compulsory Arbitration (1974-kasalukuyan) May tatlong mahahalagang katangian ang ipinamalas ng kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas: 1) ang pagkilos at impluwensiya ng mga komunista, 2) ang pakikialam ng pamahalaan at 3) ang pagdodomina ng mangangapital. Muling lumakas ang impluwensiya ng mga komunista sa kilusang unyonismo nang lumala ang krisis sa langis noong 1970. Sumigla naman ang kilusang komunista mula pa noong 1960 nang buhayin ito ng mga kabataang intelektwal at aktibista sa pangunguna ni Jose Ma. Sison ng Kabataang Makabayan (KM) na isa ring guro sa UP. Panahon ng Batas Militar (1972-76) Higit na lumakas ang kilusan ng mga estudyante at kabataan pagsapit ng unang kuwarto ng dekada sitenta (FQS). Umabot ang impluwensiya ng mga lider kabataan at intelektwal sa kilusang unyonismo at magbubukid. Naitatag noong 1968 ang CPP na may linya ng pilosopiya ni Mao Ze Dong. Sumunod naman noong 1969 ang NPA sa pamumuno ni Bernabe Buscayno (Kumander Dante ng HMB-GL). Dahil dito, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar noong 1972. Upang makuha ang simpatiya ng mga organisado at di-organisadong sektor sa paggawa at upang mapalabnaw ang mga adhikaing inilalatag ng CPP-NPA, nagsabatas si Marcos ng Programa ng Reporma sa Lupa (P.D. Blg. 2, 27 atbp.) at ng Labor Code of the Philippines (P.D. Blg. 442, 823, 849 atbp.). Sa pamamagitan ng P.D. Blg. 27, ipinatupad ang Operation Land Transfer (OLT) sa mga lupaing may tanim na palay at mais. Pinag-sama-sama ng P.D. Blg. 442 ang lahat ng mga batas sa paggawa. Pinalaganap nito ang unyonismo at CBA sa loob ng sistema ng voluntary at compulsory arbitration ng NLRC. Ipinagbawal din ang pagwewelga at iba pang sama-samang pagkilos. Muling nakialam ang pamahalaan sa ugnayang industriyal. Humina ang unyonismo bilang puwersa sa paghingi ng mga benepisyo at paglaban para sa mga karapatang pangmanggagawa. Itinatag ang TUCP noong 1975 bilang alternatibong unyon na sinusuportahan ng pamahalaan. Itinayo rin ang Employers' Confederation of the Philippines (ECOP). Kasama ang pamahalaan, itinaguyod nila ang tripartismo at ang pagdedekreto ng minimum na sahod. Pagkatapos ng Batas Militar (1976-85) Mula 1976 hanggang 1984, o ang panahon ng batas militar, tumungo ang ekonomiya sa resesyon dahil sa palalim na krisis ng mga utang panlabas at sa malawakang pangungurakot at pagkalugi ng mga proyekto at negosyo ng pamahalaan. Patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at dumami ang nawalan ng trabaho. Ang pansamantalang pagkakaisa ng mga unyon at pederasyon sa ilalim ng TUCP ay nagwakas sa pagkalas ng mga miyembro nitong organisasyon. Nasuway sa kauna-unahang pagkakataon ang strike ban nang magwelga ang mga manggagawa sa pabrika ng La Tonde¤a sa Maynila noong 1975. Sinuportahan ito ng radikal na sektor manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawa, na nasa pagtatangkilik ng simbahan. Di nagtagal, isinilang ang KMU, ang bagong sentro ng radikal na unyonismo. Hudyat ito ng muling pagbaling ng unyonismo sa mga usaping pampulitika. Pagsapit ng 1986, lubos na lumaganap ang mga kilos protesta sa buong Kamaynilaan at iba pang kalunsuran. Naging daan sa pagkakaisa ng lahat ng kontra sa rehimeng Marcos ang mga kaganapang insureksiyon na umiral sa bansa. Maliban sa grupong komunista, kabilang dito ang mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao mula sa sektor ng propesyunal at panggitnang uri, mga oposisyong repormista sa sandatahang lakas at mga grupong relihiyoso, negosyante at pulitiko. Sumambulat ito sa Rebolusyon sa Edsa at tinawag na Lakas ng Sambayanan. Ang Kilusang Unyonismo sa Kasalukuyan (1986-1998) Matapos ang matagumpay na Rebolusyon sa EDSA at maluklok si Pangulong Corazon C. Aquino, muling humina ang unyonismo. Naging kaalyado ng kilusan ang pamahalaan na hindi nagustuhan ng RAM ni Gregorio Honasan. Sa panahong ito napaslang si Ka Rolando Olalia, puno ng KMU. Nang maupo si Pangulong Fidel V. Ramos noong 1992, nagpanumbalik sa hanay ng mga unyon ang pakikibakang pang-ekonomiko. Ang paggamit sa collective bargaining, mediation, conciliation, arbitration at pagla-lobby sa pamahalaan ay muling sumigla. Globalisasyon at liberalisasyon ng kalakalan ang naging tunguhin ng pambansang ekonomiya. Ang Hinaharap ng Kilusang Unyonismo sa Susunod na Dantaon May dobleng talim ang globalisasyon, may hatid itong oportunidad at panganib sa kilusang unyonismo. Sa pag-unlad ng ekonomiya, dadami ang industriya at maraming mabibigyan ng trabaho. Maaaring lumaganap ang unyonismo. Dahil naman sa paggamit ng makabagong teknolohiya, maaapektuhan ang ugnayan sa paggawa; titindi ang kompetisyon, lalaganap ang flexibility sa paggawa, ang pangongontrata at pagtanggap sa mga kaswal at pansamantalang manggagawa. Hihirap ang pag-oorganisa sa ganitong kalagayan. Lalong magiging pro-active ang mga mangangapital sa kanilang ugnayan sa mga obrero. Sa pangitaing ito, marapat na umangkop sa globalisasyon sa pamamagitan ng malilikhaing pamamaraan, gaya ng mga sumusunod:
|
|
| |||
|
Lupon ng Sentenaryo |
|
|||||