![]() ![]() ![]() | ||||||
|
|
Pasimula ng Pagdiriwang ng Sentenaryo sa UP Cebu at UP TaclobanMga sayaw, drama at awitin ang naging panimula ng selebrasyon ng Sentenaryo sa UP Cebu College na ginanap noong Marso sa UPCC Oblation Quadrangle. Ang opisyal na pagbubukas ay pinangunahan nina Dekano Jesus Juario, Associate Dean Primitivo Areno at College Secretary Fe N. Reyes. Isang paligsahan sa komposiyon at awit sa tema ng ika-sandaang kalayaan ng Pilipinas, na pinamagatang Yutawhan (pinaikling bersyon ng Yutang Natawhan o Land of Birth), ang sinalihan ng mga lokal na banda at mang-aawit. Ang mga mag-aaral naman ng UP High School ay nagdaos ng kanilang taunang drama fest sa UPCC Conference Hall. Ang mga dula ay batay sa buhay ng mga bayaning tulad nina Leon Kilat at Andres Bonifacio. Isang eksibit na pinamagatang Unity in Diversity o Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba ang idinaos ng klase ni Prof. Felisa Etemadi sa Political Science 112. Sinundan ito ng palatuntunan sa kantahan, ang Our Struggles Through the Century: Ties that Bind. Sa UP Tacloban College ay nagkaroon ng simposiyum ukol sa mga rebolusyonaryong Pilipino sa ilalim ng kolonyalismo ng Espanya at Amerika. Ginanap ito sa UPTC Audio Visual Hall at dinaluhan ng mga mag-aaral ng UPTC at ng Leyte Institute of Technology. Isa pang simposiyum ang ginanap tungkol naman sa ginampanang papel ng mga kababaihan noong panahon ng himagsikan. Tinalakay nina Prop. Pablo Amascual at Bb. Charo Naboy-Cabando ang tungkol sa kababaihan ng kontemporaryong kilusan. Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga non-government organizations. Idinaos ng Lupon ng Sentenaryo, kasama ang mga mag-aaral ng Kasaysayan II, ang Asian Festival na may temang Revolutionary Struggles and Birth of Nationalism. Ito ay tinampukan ng paligsahan tungkol sa kasaysayan ng Asya at Pilipinas, paligsahan sa paggawa ng poster at slogan tungkol sa kalayaan, mga eksibit, paligsahan sa pagluluto at balagtasan. Noong ika-26 ng Abril ay ipinalabas sa La Paz, Leyte ang An Bista (The Trial of Bonifacio), isang dulang balagtasan tungkol sa paglilitis kay Andres Bonifacio na nagwakas sa kanyang kamatayan sa kamay ng mga kapwa niya Pilipino. Ang palabas, na tinampukan ng mga mag-aaral ng UPTC, ay isang orihinal na katha nina JP Yusoing at Mel Perida. Ang mga direktor naman ay sina Viviene Arpon at Rowena Guiang. Ang produksyon ay unang ipinalabas sa Asian Festival at dinala sa Barugo, Leyte noong Mayo 17 at sa San Jose, Tacloban noong Mayo 23. Ang tour ay inorganisa ng UPTC Lupon ng Sentenaryo, sa pamumuno ni Prop. Glenda T. Bonifacio. Sa buong buwan ng Mayo ay idinaos din ang Local History Research ng UP Centennial Committee na nananaliksik sa mga paksang may kinalaman sa Sentenaryo ng Pilipinas. (ZBAlbao)
|
|
| |||
|
Lupon ng Sentenaryo |
|
|||||