NewsSentenaryo98Home

Araw ng Kalayaan sa UPV

Noong ika-12 ng Hunyo, isinadula ang deklarasyon ng kalayaan ng ating bansa ng UP Visayas-Miag-ao at Lunsod ng Iloilo, kasama ang Munisipyo ng Miag-ao.

Sa buong araw ng pagdiriwang, nagbalik ang alaala ng panahon ng rebolusyon sa mga taga-Miag-ao at ang paligid ng buong munisipyo ay nagmistulang pueblo noong panahon ng Kastila dahil sa detalyadong pag-aayos ng paligid at pakikilahok ng mga mamamayang halos lahat ay naka-pambansang kasuotan.

Binuksan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pag-aalay ng misa ganap na ika-pito ng umaga, kasunod ang isang prusisyon patungo sa bulwagan ng munisipyo. Isang malakas na putok ang naghudyat ng sabay-sabay na pagsindi ng makukulay na firecrackers sa iba't ibang barangay at plaza ng Miag-ao. Kasabay nito, pinatugtog ang kampana ng simbahan at nakibahagi ang mga sasakyan sa daan sa pamamagitan ng pagbusina, pati na ang sirena ng bombero. Tuluy-tuloy naman ang pagtugtog ng banda ng Miag-ao ng mga masasayang musika.

Pagpatak ng 8:30 ng umaga, sinimulan ang maikling dula sa bulwagan ng munisipyo. Isinalin ang dula sa salitang Hiligaynon-Kinaray-a upang lalong maintindihan ng mga manonood. Nagtapos ito sa pagtugtog ng "Lupang Hinirang" at isang maikling mensahe mula kay UPV Chancellor Arsenio Camacho. Nagkaroon din ng simpleng salu-salo ng iba't ibang pagkaing Pilipino.

Kinahapunan, lumahok ang UPV sa Grand Military at Civic Parade sa Lunsod ng Iloilo City. Tampok sa float ng UPV ang mga bayaning Pilipino sa panahon ng kilusang propaganda tulad ni Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. Del Pilar at Mariano Ponce, kasama ng isang replika ng La Solidaridad.

Bago ang mga pagdiriwang, isang paligsahan sa paggawa ng poster na may temang Events, Personages, Ideals Related to the Philippine Revolution ang isinagawa ng UPV Lupon ng Sentenaryo. Tatlumpu't isa ang lumahok sa paligsahang ito na nanggaling pa sa iba't ibang bahagi ng Kanlurang Bisayas. Ang mga isinumiteng poster ay itinampok sa eksibit ng UPV Art Gallery mula ika-18 hanggang ika-29 ng Mayo. Ang mga poster ay iniksibit din sa UP Diliman, UP Cebu at UP Tacloban at ngayon ay makikita sa Center for Western Visayas Studies sa Iloilo.

Ang mga pagdiriwang sa UPV ay hindi lamang nagdulot ng lubos na kasiyahan sa mga dumalo, kundi nagpaigting din sa magandang ugnayan sa pagitan ng Unibersidad at ng lokal na pamahalaan ng Miag-ao. Ang mga gawaing ito ay patunay din ng pakikiisa ng UPV sa pagdiriwang ng Sentenaryo.

(ZBAlbao)

Mga Dagdag na Balita

See Also

Schedule of Events
UP Centennial Celebrations Home Page


  Main Themes U.P. Decade Mailing List Feedback

Centennial Logo

Lupon ng Sentenaryo
Copyright © 1998 University of the Philippines
Design by CSSP Computer Lab Web Design Group