![]() ![]() ![]() | |||||
|
|
Pandaigdig na Kumperensiya sa Kasunduan sa Paris, Ginanap sa UPHumigit kumulang sa isandaang delegado buhat sa iba't ibang panig ng bansa at dako ng daigdig ang nagtipon-tipon sa Ang Bahay ng Alumni noong ika-9 hanggang 11 ng Hunyo upang magbalik tanaw sa mga kaganapan noong 1898, lalo na ang paglagda ng España at Estados Unidos sa Kasunduan sa Paris (o Treaty of Paris). Dahil sa nasabing Kasunduan na nilagdaan ng Espanya at Amerika noong ika-10 ng Disyembre 1898 sa Paris, nabago ang landas ng kasaysayan at itinanghal ang Estados Unidos ng Amerika bilang bagong superpower. Naging kolonya ng Amerika ang Cuba, Puerto Rico, Guam, mga isla ng Marianas, at ang Pilipinas. ![]() Matapos ihudyat ni Dr. Olivia C. Caoili (Pangalawang Pangulo para sa Gawaing Akademiko) ang pagbubukas ng kumperensiya, at bago pormal na sinimulan ang mga sesyon, nagbahagi ng mga panimulang pananaw sina Dr. Maria Serena I. Diokno, Dr. Ricardo T. Jose at Prop. Alexander Magno. Kabilang sa mga inilatag na pagkukuro ni Diokno ang tanong kung nagtapos nga ba ang rebolusyon nang iwagayway sa Kawit, Cavite ang bandila ng Pilipinas. Aniya, marami pa ring mga adhikain ng ating mga ninuno ang naghihintay ng kaganapan. Ang di-pagkakapantay-pantay sa lipunan, ang pamamayani ng kahirapan, ay hindi pa rin naigugupo. ![]() Ipinaliwanag naman ni Jose ang kahalagahan ng pagtunghay sa mga naging pangunahing aktor o tauhan ng digmaan upang higit na maunawaan ang mga kaganapan ng panahong iyon. Aniya, kailangang pag-aralan ang buhay ng mga aktor at ang kanilang naging papel sa kasaysayan saan mang panig sila kabilang_mapa-Pilipino, Kastila o Amerikano man. Napuna naman ni Magno na nananatili pa ring isang di-matatawarang lakas ang masang Pilipino. Magmula sa panahon ng Himagsikan, hanggang sa People Power sa EDSA, at sa halalan ngayong taon, napatunayan nila ang kanilang kakayahang bigyang kaganapan ang kanilang mithiin tungo sa kalayaan at kaunlaran. Iba't ibang paksa at aspeto ng Kasunduan sa Paris at Deklarasyon ng Kalayaan ang tinalakay sa magkakahiwalay na mga sesyon. Sa loob ng tatlong araw, tinalakay ang mga sumusunod: Sa ilalim ng paksang Contesting Manifest Destiny tinalakay ni Prop. Sharon Delmendo ang "Manifest Destiny, Then and Now: American Rationalization of the Philippine-American War." (Tunghayan ang kaugnay na artikulo sa pahina 2.) Sa usaping Politics of Conflict Management naman, binasa ang "The Military in National State Construction: Civil-Military Relations in Post World War II Period" ni Prop. Ester Salvacion B. dela Cruz, at "Sequestration: ca. 1898" ni Prop. Patrick de Castro. Sa Popular Culture as History, ang "Kasaysayang Hinabi ng mga Awit-Pakikibaka ng mga Kilusang Panlipunan ni Dr. Teresita Gimenez-Maceda, "Ang Diskurso ng Piging ng Sentenaryo" ni Prop. Gonzalo Campoamor II, "Nations, Nationalisms and Los Ultimos de Filipinas: An Imperialist Desire for Colonialist Nostalgia" ni Dr. Roland Tolentino, at "Philippine Gay Culture: The Last 30 Years" ni Prop. J. Neil C. Garcia. Sa temang The Philippines Abroad: Through the Eyes of Europe and Cuba, binasa ang "Himagsikang Pilipino sa mga Pahayagang Aleman, 1896-1898" ni Prop. Portia Llongson Reyes, "Ang Cuba at ang Rebolusyong Pilipino, 1896-1902" ni Prop. Ronaldo Mactal at "The Italian Policy in the Philippines in the 1930's: Between Evolution and Transformation" ni Prop. Domenico Marciano. Sa Religion and Revolution, tinalakay ang "Fanaticism, Fundamentalism and Force: Transitions and Transformations, 1986-1991" ni Dr. Aurelio Agcaoili, "The Philippine Revolution and the Filipinization of Christianity" ni Dr. Aurora Roxas-Lim at "The Philippine Revolution and the Vatican" ni Fr. Antolin Uy. (Tunghayan ang artikulong sinulat ni Joji B. Balcita.) Samantala, sa Language and Nationalism tinalakay ni Prop. Jeena Rani Marquez ang "The Killing of Andres Bonifacio: A Critical Linguistic Reading of History" at nagkuwento si Dr. Consolacion Alaras tungkol sa Bundok Banahaw sa "The Mt. Banahaw Discourse on Nationhood in Philippine History and the World." Inilahad ang "Mga Kilusang Pangwika Para sa Wikang Pambansa: Paglaban at Pagtugon sa Kalayaan ng Bayan" ni Prop. Pamela Constantino. Tinalakay din ang naging papel ng kababaihan sa iba't ibang larangan ng digma at sa iba pang aspeto ng lipunan. Sa Women and Heroism, inilahad ni Prop. Arturo M. Navarro ang "Kaba-yanihan ng Kababaihan sa mga Kilusang Bayan," at ni Dr. Albina Pecson Fernandez ang "Removing the Quotation Marks from 'Heroic': Women's Heroism in Philippine History. Samantala sa Women in Art, siniyasat ng mga lektyurer ang mga sumusunod: "The Filipina as Artist and as Art Subject in 19th Century Philippine Art" (Prop. Rosa Maria Magno Icagasi), "Ang Kababaihan sa Potograpiya: Isang Pagsilip sa Ika-19 Dantaon sa Pilipinas" (Prop. Mary Bernadette Conde at Prop. Mary Jane Rodriguez), at "Ang Mga Manunulat na Babae sa Ilocos sa Ika-19 na Siglo" (Dr. Lilia Quindoza Santiago). Sa Heroes and their Legacies, tinalakay ang "National Heroes in Relation to the Population the Foundation of the State" (Prop. Josefina V. Cabigon), "Si Rizal, 1897-1898" (Dr. Nilo S. Ocampo), "The Contradictions of the Revolution of 1896" (Dr. Alice Guillermo), at "Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan" (Dr. Zeus A. Salazar). Sa temang Art and Revolution, binasa ni Penelope Flores ang "Rizal and Corregio's Noli Me Tangere," "Imahen at Ideya ng Manifest Destiny, White Man's Burden, at Imperyalismo noong 1898 at Panahon ng Pananakop sa Pilipinas ng United States sa Piling Tulang Tradisyunal na Tagalog" (Prop. Melecio Fabros III), at "Nineteenth Century Churchbells in the Philippines: Its Cultural and Political Context" (Prop. Honey Libertine R. Achanzar). (Tunghayan ang artikulo ni Flor B. Cabangis.) Sa panghuling paksa, Transition in Identity, tinalakay ang "New Philippine Cinema" ni Dr. Bienvenido Lumbera, ang "The Philippine Demographic Transition: Implication for National Development and Identity" ni Prop. Zelda Zablan, "The Commonwealth of the Philippines: A Nation in Transition" ni Bb. Aruna Gopinath, at ang "History as Fiction: The Contemporary Novel in English" ni Prop. Cristina Pantoja Hidalgo. Sa mga talakayan, kapansin-pansin ang interes ng mga iskolar na Filipino-American sa tunay na daloy ng kasaysayan sa pagitan ng dalawang bansa. Ayon kay Prop. Sharon Delmendo, isang lektyurer, ang masidhi nilang interes ay nagbuhat sa kanilang pagnanais na maunawaan ang kanilang mga sarili, ang pinagmulang bansa ng kanilang mga magulang, at ang kanilang kinalakhang bansa. Pinamagatang "1898 and the World: Contexts and Actors, Transitions and Transformations," ang kumperensiya ay inilunsad ng UP Lupon ng Sentenaryo bilang bahagi ng isang serye ng mga kumperensiya ukol sa pamana ng 1846 (kung kailan nilagdaan ang Treaty of Guadalupe, ang tratadong nagbigay ng malaking bahagi ng Mexico sa Estados Unidos) at 1898. Ang serye ay inorganisa ng University of Cordoba and University of Alcala sa Espa¤a, University of California sa Berkeley, California, Estados Unidos, University of Miami sa Estados Unidos, University of Puerto Rico, at ng UP. (AROrozco)
|
|
| ||
|
Lupon ng Sentenaryo |
|
||||