![]() ![]() ![]() | |||||
|
|
Pista sa UPNaging makulay at masaya ang araw ng Hunyo 18 dahil sa pagdaraos ng ika-syamnapung anibersaryo ng pagkatatag ng UP. Ayon sa Sentenaryo ang tema ng selebrasyon ng anibersaryo. ![]() Nagsimula ang kasiyahan sa isang paligsahan sa pagtakbo/lakad paikot sa kampus ng UP Diliman. Syamnapung estudyante, guro, kawani, alumni at mga kaibigan ng UP ang sumali sa paligsahan. Bawat isa sa mga kalahok ay tinangkilik ng isang padrino na siyang nag-ambag ng P1,300. Ang P1,000 sa inambag ay napunta sa P1 Billion Centennial Fund Campaign ng UP at ang P300 sa ilang regalo sa mga lumahok tulad ng agahan at UP souvenirs. Ang UP Lagoon ay naging sentro ng pistahan. Ipinamalas ng bawat yunit ng UP ang iba't-ibang produkto na matatagpuan sa kani-kanilang kampus at rehiyon. May bibingka, puto-bungbong, lugaw at marami pang katutubong luto. Naghandog ng mga katutubong sayaw ang UP Filipiniana Dance Troupe tulad ng Tinikling, Itik-itik at Curacha. Ang UP College of Music Rondalla Ensemble ay naghandog ng masasayang tugtuging Pilipino. Binuksan din sa araw na iyon para sa publiko ang Amorsolo eksibit sa UP Vargas Museum. Ang eksibit na pinamagatang "Amorsolo: Tatlong Salinlahi" ay nagtanghal ng mga gawa ng mag-lolong Fernando, Fernando, Jr. at Don Amorsolo. Dinaluhan ng marami ang "Concert of Performing Arts" na ginanap sa UP Theater. Anim sa sampung opisyal na "performing arts group" ng UP ang nagpakitang gilas sa pagsasayaw, pagkanta at pagtugtog ng instrumento. Ang anim na grupo ay kinabibilangan ng UP Concert Chorus, UP Guitar Ensemble, UP Dance Company, UP Cherubims at Seraphims, UP Filipiniana Dance Group at UP Singing Ambassadors. Nang sumapit na ang takipsilim nagkaroon ng isang makulay na putukan ng iba't-ibang kwitis. Nakiisa rin sa kasiyahan ang may isang libong gradwado o alumni ng UP. Ang mga alumni ay nagtipon para sa isang "Centennial-inspired" na piging noong Hunyo 20 sa Ang Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Ilan sa binigyang papugay sa pagtitipong iyon ay ang mga Jubilarians na kabilang sa klase ng 1938 (Diamong Jubilarians), 1948 (Golden Jubilarians), 1958 (Ruby Jubilarians at 1973 (Silver Jubilarians). Ang mga alumni na naging tanyag sa kanilang mga propesyon ay binigyan ding parangal. Para sa taong ito ang binansagang pinaka-tanyag na alumnus ay si Sec. Cesar B Bautista at ang pinaka-tanyag na alumna ay si Dr. Cleofe M. Bacungan. Ang isang linggong kasiyahan ay winakasan ng isang "centennial parade" -- mula UPIS sa Katipunan Road hanggang Quezon Hall -- na kinabilangan ng mga estudyante ng UP Integrated School (UPIS). Ilang piling mag-aaral ng UPIS ang naghandog ng sayaw, kanta at isang dula tungkol sa Battle of Mactan na siya namang ikinagalak ng mga opisyal ng UP sa pangunguna ni Presidente Emil Q. Javier. (CHSese)
|
|
| ||
|
Lupon ng Sentenaryo |
|
||||