NewsSentenaryo98Home

Alay kay Gabriela

Hindi magiging makabuluhan ang pagdiriwang ng International Women's Month kung hindi tutuunan ng pansin ang karahasan laban sa mga kababaihan.

Noong Marso 13, nagsagawa ang UP Manila, sa pangunguna ng UP Manila Committee on Women and Development, ng tatlong mahahalagang gawain upang patuloy na isulong ang pangangalaga sa dignidad ng kababaihan: isang porum na may temang Araw Laban sa VAW (Violence Against Women): Alay Kay Gabriela, isang kilos-protesta sa Mabini Area, at isang konsiyerto.

Itinampok sa porum ang iba't ibang paksa na may kinalaman sa karahasan laban sa kababaihan o VAW. Pinangunahan ito ng mga eksperto mula sa akademya, mga ahensya ng pamahalaan at nongovernment organizations (NGOs).

Tinalakay ni Dr. June Pagaduan-Lopez, isang psychiatrist at kasapi ng ABANSE, PINAY!, ang nature o kalikasan ng karahasan laban sa kababaihan, at ang ginagawa ng ilang samahan upang labanan ang mga epekto nito. Ayon sa United Nations, ang karahasan laban sa kababaihan ay isang uri ng karahasang batay sa kasarian, at humahantong sa pisikal o sekswal na kapinsalaan o pagdurusa para sa mga babae. Sa Pilipinas, pinakapalasak na uri ng VAW ang domestic violence o karahasan sa pamilya.

Maraming maling akala tungkol sa pinagmumulan ng ganitong uri ng karahasan. Ilan dito ang mga sumusunod: (1) ito ay sanhi ng pansamantalang kawalan ng pagpipigil o temper; (2) ang biktima ng karahasan ang nag-uudyok sa kanyang kasambahay na saktan siya; (3) mga mahihirap at walang edukasyon ang karaniwang biktima ng ganitong pangyayari; (4) ang mga mambubugbog ay nanakit lamang kung sila ay lasing o nasa ilalim ng impluwensiya ng droga; at (5) gusto ng mga biktima na sinasaktan sila.

Ayon sa KALAKASAN at Women's Crisis Center, taliwas sa mga maling akalang ito, kadalasa'y may pattern of power and control ang karahasan sa loob ng pamilya. Ibig sabihin ay hindi pambihirang okasyon lamang ang karahasang ito at lalong hindi dahil nawalan lamang ng pagtitimpi ang nambubugbog dahil sa pagkakamali ng babae. Ang totoo'y walang rasyonal na dahilan ang karahasan o pambubugbog na ito at kahit na anong bagay ay maaaring gawing dahilan ng mambubugbog upang saktan ang babae. Ipinapakita rin ng mga pag-aaral na 11% lamang ng mga nambubugbog ng asawa't anak ang lasing o lango sa droga sa okasyong iyon. Tungkol naman sa hindi pag-iwas ng biktima o pagputol sa relasyon ay hindi dahil gusto nila ang sitwasyon kundi dahil may mga socio-cultural factors tulad ng mga paniniwalang pangrelihiyon na pumipigil sa kanila.

Sa huling bahagi ng kanyang panayam, tinalakay ni Dr. Lopez ang mga ginagawa ng mga grupong may malasakit sa mga kababaihan. Ilan dito ay ang pagbibigay ng payo sa mga biktima ng karahasan sa pamamagitan ng telepono, pagtatatag ng policewomen's desks, kampanyang pang-edukasyon, pagtatatag ng Women's Crisis Center at iba pang mga katulad na programa. Ilulunsad ng PGH ang RECOVER (Responsible Care for Women Victims of Violence).

Ibinahagi naman ni Dr. Bernadette Madrid, pediatrician at direktor ng PGH Child Protection Unit (CPU), ang kanilang ginagawa para sa mga batang biktima ng karahasan. Ang CPU ay itinatag upang suriin at bigyan ng karampatang tulong na medikal at propesyunal ang mga batang biktima ng pang-aabusong pisikal at sekswal. Nakikipag-ugnayan din ang CPU sa iba't ibang ahensya upang labanan ang pang-aabuso. Nagbibigay ito ng training o pagsasanay sa mga interesadong grupo para sa wastong pakikitungo sa mga batang inabuso. Patuloy din ang kanilang pagsasaliksik upang tumuklas ng pamamaraang makakatulong sa mga bata.

Mula noong 1997, 417 na mga bata na ang sumailalim sa pangangalaga ng CPU. Animnapu't dalawang bahagdan sa mga ito ay nakaranas ng pang-aabusong sekswal, mga babae ang karamihan. Halos lahat ng umabuso sa kanila ay mga kamag-anak, at ang ama ang kadalasang gumagawa nito. Idinudulog ng CPU sa hukuman ang mga kaso ng mga bata sapagkat naniniwala sila na dapat balikatin ng pamahalaan ang suliraning ito.

Sinabi naman ni Dr. Karina Constantino-David, propesor sa UP College of Social Work and Community Development at executive director ng HASIK (Harnessing Self-Reliance, Initiative and Knowledge), na ang karahasan laban sa kababaihan ay sakop ng isang mas malawak na problema ng di pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki. Hangga't ang babae ay hindi ganap na malaya at nanatiling mababa ang pagtingin sa kanya ng lipunan, palagi siyang nasa panganib.

Ibinahagi rin niya ang ginagawa ng COMBAT-VAW (Community-based Approach Towards VAW), isang pinagsanib na proyekto ng HASIK at Women's Legal Bureau, upang palakasin ang kakayahan ng mga pamayanan na labanan ang karahasan laban sa kababaihan. Ayon sa mga kasapi ng dalawang NGOs, kailangang suriin ang ugat ng problemang ito.

Ang mga would-be advocates ng COMBAT-VAW ay sinasanay sa mga sumusunod na gawain: gender sensitivity, malalim na pag-unawa sa karahasan laban sa kababaihan, at 10 araw na pagsasanay sa legal advocacy. Ang mga komunidad na natulungan na ng COMBAT-VAW mula sa Talanay sa Quezon City hanggang sa Davao ay nakapagtatag na ng kani-kanilang organisasyon upang matulungan ang mga biktima ng karahasan at masugpo ito.

Tinalakay naman ni Atty. Evelyn Ursua, pinuno ng Women's Legal Bureau, ang kasalukuyang mga batas kaugnay ng karahasan laban sa kababaihan. Sinabi ni Ursua na walang batas na sumasaklaw sa karahasan sa pamilya, liban na lamang sa pananakit na pisikal. Sa mga kasong pang-aabusong sekswal, na ngayon ay saklaw na ng 1997 Anti Rape Bill, ay wala pa ring sapat na kakayahan upang parusahan ang mga nag-aabuso. Halimbawa nito ang panggagahasa. Bagamat ngayon ay isa na itong krimen laban sa tao (crime against persons), may mga kaso na pinatatawad ang asawa kung siya ay sangkot sa marital rape. Ang sexual harassment naman ay nagiging krimen lamang kung ang gumagawa nito ay mas mataas ang tungkulin sa kanyang biktima. Ang Family Code ay mayroon ding mga probisyon na kritikal sa VAW. Halimbawa ay ang pagpapasiya hinggil sa conjugal property, at kung may pagtatalong namamagitan sa mag-asawa, namamayani pa rin ang desisyon ng asawang lalaki.

Bilang pangwakas na paksa, tinalakay naman ni Atty. Katrina Legarda, pangulo ng ABANSE, PINAY!, ang ginagawa ng Party List Law o Republic Act 7941. Layunin nito na magkaroon ng kinatawan sa Kongreso ang mga mahihirap at walang kaya, nang walang gastos. Naniniwala ang ABANSE, PINAY! na sa pamamagitan ng balota, maisusulong ang mga batas para sa kapakanan ng kababaihan at kabataan.

(Ulat ni FMJemena, salin ni FBCabangis)

Mga Dagdag na Balita

See Also

Schedule of Events
UP Centennial Celebrations Home Page


  Main Themes U.P. Decade Mailing List Feedback

Centennial Logo

Lupon ng Sentenaryo
Copyright © 1998 University of the Philippines
Design by CSSP Computer Lab Web Design Group