Ang Patuloy Na Paghahanap Ng Mga Bayaning Pilipina
Labindalawang kababaihang naglalakad suot ang
baro't sayang Pilipino, iwinawagayway ang mga bandila ng Rebolusyon. Dalawang daang kababaihang umaawit at umiindak sa isang pormasyong pabilog; lumulutang sa kanilang mga bisig ang isang makulay na banig ng lasong pinagtagni-tagni nila.
Ganito nagsimula at ganito nagtapos ang dalawang araw na simposyum tungkol sa "History Makes Women/Women Make Herstory" na nasa pagtatangkilik ng Pamantasan ng Pilipinas, Women Studies Association of the Philippines at ng National Centennial Commission-Women's Sector na ginanap sa Bahay ng Alumni, UP Diliman noong ika-9 hanggang 10 ng Marso.
Akmang-akma ang ritwal ng pagsisimula at pagtatapos ng simposyum sa mga katanungang pinagsikapan nitong hanapan ng katugunan. Nasaan na ang ating mga bayaning Pilipina? Paano susulatin ang kasaysayan upang mapalitaw ang kanilang pakikihamok at kagalingan? Mga katanungan itong noon pa ma'y pilit nang hinahanapan ng mga sagot.
Mismong si Pangulong Emil Q. Javier ng UP ay nagpahayag ng kaniyang kawalang-kasiyahan sa di wastong pagtrato sa mga Pilipina sa ating kasaysayan at sa kakulangan ng pagkilala sa kanila ng ating mga historyador. Kung inaalala man sila'y bilang sekondaryong mga bayani lamang na kapuri-puri man ang mga nagawa'y 'di kasinghalaga ng ginampanan ng mga kalalakihan. O kundi man, itinuturing silang mga pambihirang babae na nagpamalas ng kagila-gilalas na mga katangian. Dahil dito, iminungkahi ni Javier na marapat lamang magkaroon ng panibagong pamamaraan ng pagsipat sa kasaysayan at sa pagsasaliksik kaugnay nito.
Sumang-ayon sa ganitong pagtingin si Dr. Albina Pecson-Fernandez ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Sa binasa niyang papel tungkol sa "Pagpapalitaw sa babae sa kasaysayan," sinabi niyang ang ating kasaysayan ay hindi maitatatwang kasaysayan lamang ng kalalakihan at 'di ng buong sambayanang Pilipino. Ayon sa kaniya, kadalasan ay 'di napapansin, natatakpan o naglalahong parang bula na lamang ang kababaihan sa mga historikal na pagsasalaysay. Kung papalarin man silang matagpuan sa mga pahina ng aklat pangkasaysayan, lumilitaw sila bilang ektensiyon o karugtong lamang ng kalalakihan. Aniya, ang pagkaburang ito ng kababaihan sa kasaysayan ay sanhi ng takot ng mga lalaki sa kanila.
Samantala, tinalakay ni Dr. Rosalinda Pineda Ofreneo sa kanyang papel na may paksang "Ang kababaihan sa kasaysayan: paano hahanapin, palilitawin, susuriin at susulatin?" ang pagwawasto ng maling pagtingin sa papel ng kababaihan kung hahanap tayo ng mga bayaning babae hindi lamang sa larangan ng digma kundi pati sa pang-araw-araw na pamu-muhay. Maaaring sila'y mga maybahay, bordadoras, ciga-reras, tinderas, migrante, mang-gagawang bukid, peon, lesbiana, o mga batang babae. Iminungkahi ni Ofreneo na batis ng impormasyon hinggil sa kababaihan ang mga talambuhay, talaangkanan, testimonya at panayam, tradisyong oral, talakayan, at mga datos na estadistikal.
Lalong pinagtibay ng papel ni Dr. Ma. Nela Florendo tungkol sa "Returning women's memory: some notes on gender-sensitive historical methodology," ang kahalagahan ng iba pang mga batis ng datos bukod sa mga nakasulat. Napansin niyang ang pagpapahalaga sa nakasulat na mga batis na tinatawag na no-record-no-history principle, sa pagbubuo ng isang estado, at ang mito ng objectivity ay nagpapalala lamang sa pagkawala ng kababaihan sa kasaysayan.
Ani Florendo, ang kailangan sa kasalukuyan ay isang historical rehabilitation na nakabatay sa metodolohiyang gender-sensitive at historikal. Mahalaga rin ang pagsusuri sa proseso ng marginalization sa rekonstruksiyon ng kasaysayan ng kababaihan. Ipapakita ng ganitong proseso na ang pangkaraniwang na mga pamamaraan ng paghahanap ng mga bayaning babae ay pawang paghahanap lamang sa mga masculinated females, o mga babaeng nagpakita ng galing sa mga larangang karaniwang itinuturing na pang lalaki. At sapagkat iba't iba ang mga kalagayan ng kababaihan, ang pagtatakda ng parameter o isang partikular na paraan ng pamimili at pagsukat ng mga bayaning babae ay magpapawalang bisa sa metodolohiyang peminista.
Sa ikalawang araw ng simposyum, ibinahagi ni Dr. Ma. Luisa Camagay, taga-pangulo ng UP Diliman Departamento ng Kasaysayan ang kanyang mga pananaw hinggil sa mga metodolohiya ng mga historyador sa pagdodokumento ng kasaysayan ng mga kababaihan. Ayon sa kaniya, ang partisipasyon ng kababaihan sa kasaysayan ay matitiyak lamang sa pamamagitan ng masinop na pagsusuri ng mga pansariling dokumento gaya ng mga liham, talambuhay, panayam, sari-saring materyales na ikonograpiko, at kasaysayang pasalita.
Idinagdag ni Camagay na upang lubos na magamit ang mga batis na ito, kailangan ng isang metodolohiyang interdisciplinary na peminista. Ayon sa kanya, higit na mapapahalagahan ang kababaihan bilang mga indibidwal na nagsisikap makamit ang kanilang sariling mga layunin, na may kakayahang lumikha ng sarili nilang bukas, sa pamamagitan ng compensatory history at contributions history.
Tinalakay ng tatlo pang papel na binasa ang mga partikular na aspeto ng pakikibahagi ng kababaihan sa ating kasaysayan.
Tinalakay ni Mambabatas Minerva Laudico ang suffragist movement sa Pilipinas sa panahon ng mga Amerikano. Aniya, may kahirapang humango ng malalim na pagtingin sa kilusang ito kahit mismo sa mga pangunahing kababaihan na nagtaguyod ng kilusan. Upang mabigyang katarungan, aniya, ang mga naging tagapagtaguyod ng kilusang nagbigay lakas sa kababaihan upang makamit ang karapatang bumoto at lumahok sa pulitika, iminungkahi niyang dapat pag-aralan ng mga historyador ang bahaging ito ng pulitikal na Herstory.
Kilusang manggagawa sa panahon din ng mga Amerikano ang naging paksa ni Prop. Judy Taguiwalo sa kanyang papel na "Organisador, militante at makabayan: ang kababaihang pilipino sa diyaryong Muling Pagsilang, 1906." Nabatid niyang bagama't aktibo ang mga kilusang manggagawa at kilusan para sa kalayaan at kasarinlan, wala siyang matagpuang bakas ng papel ng kababaihan sa mga ito. Gayunpaman, makikita sa masusing pagsusuri ng mga larawan at mangilan-ngilang artikulo sa Muling Pagsilang, na inilathala mula 1903 hanggang 1908, na ang kababaihan ng panahong iyon ay pawang mga militante at makabayang peminista.
Ang papel naman ng kababaihan sa panahon ng kapayapaan ang naging paksa ni Aida F. Santos. Hanggang ngayo'y hindi pa natin nakakamit ang ganap na kapayapaan. Mas matindi ang dinaranas ng kababaihan. Mailap sa kanila ang kapayapaan dahil sa globalisasyon, patuloy na pandadahas laban sa kanila, at ang pagsupil sa kanilang sekswalidad at reproduktibong karapatan. Aniya, upang lubusang matamo ang ganap na kapayapaan, dapat mabigyang pansin at katugunan ang mga isyung pangkababaihan.
Maliban sa pagbasa ng mga papel at talakayan, naging bahagi ng simposyum ang mga workshop sa pagsusuri ng mga sulating pangkasaysayan, ulat ng saliksik, mga malikhaing katha at iba pa, at sa mga pamamaraan sa pagbawi at pagtuklas ng kababaihan sa ating kasaysayan.
Sa unang tingin, tila walang kaibhan ang nasabing simposyum sa mga nagdaan nang mga diskusyong akademiko. Subalit naiiba ito sapagkat may diwa ng kapistahang naipadama ng mga eksibit sa sining, tiyangge, book sale, konsiyerto sa gabi, at mga ritwal na peminista. Na siya lamang nararapat sapagkat isa itong pagsama-sama ng kababaihang nakinig sa kanilang kasaysayan, isang pagsasama-samang higit na nagpatibay sa 'di matatawarang papel nila sa ating kasaysayan.
(ulat ni CHSese, salin ni AROrozco)
Schedule of Events
UP Centennial Celebrations Home Page
|