![]() ![]() ![]() | |||||
|
|
Ang Kababaihan sa Texto at sa Realidad1ni Ma. Luisa T. Camagay2Ang babae ayon kina Bonifacio, Jacinto at MabiniSa sanaysay ni Andres Bonifacio na pinamagatang "Mga Dapat Mabatid ng mga Tagalog" binanggit niya ang ganito: "...sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog." Ang banggit na ito ay nasa konteksto ng pagpapahalaga ni Bonifacio sa kabihasnan ng ating mga ninuno kung saan ang mga babae ay marunong bumasa at sumulat. Mahalagang obserbasyon ni Bonifacio na sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Kastila, ang mga babae ay naging mangmang. May banggit din tungkol sa babae ang isinulat ni Emilio Jacinto na pinamagatang "Manga Aral Nang Katipunan ng mga A.N.B." Isinasaad ni Jacinto ang ganito: Ang babai ay huag mong tingnang isang bagay na libangan lamang kundi isang katuang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitin mo ng boong pagpipitagan ang kaniyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhata't nagiwi sa iyong kasanggulan. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba. Kapansin-pansin ang gamit ng mga salitang "katuang" at "karamay" bilang patungkol sa babae. Dito ko naunawaan ang hindi pagtanggap ni Lilia Quindoza Santiago sa obserbasyong peminista si Rizal dahil ang ginamit ni Rizal ay ang salitang "katulong" sa halip na "katuwang" sa pagtukoy sa babae sa kanyang liham sa mga kababaihan ng Malolos. Masasabi natin na mas mulat sa usapin ng kababaihan si Jacinto kaysa kay Rizal dahil tiningnan ni Jacinto ang babae bilang katuwang at karamay ng lalaki. Ganoon pa man, lumalabas pa rin kay Jacinto ang kahinaan ng babae. Sa kanyang Ang Himagsikan ng Bayang Pilipino ganito ang sinulat ni Mabini: Hindi ko mawawakasan ang mga haka-hakang ito nang di ipinapahayag muna sa aking mga kababayan, ang malaking sama ng loob na tinataglay ko tuwing makakabalita ng mga panggagahasa ng ating mga kawal sa ating mga babaing kalahi. Tunay nga't ito'y mangilan-ngilan lamang na totoong mahirap iwasan kung panahon ng gulo at ng paglalaban-laban; ngunit matitiyak ko na di na sana naulit ang unang pangyayari kung sinugpo lamang kaagad ng buong higpit at walang paku-pakundangan ng mga pinunong di sukat magparaan ng gayong mga pananampalasa. Paano natin maipagagalang sa dayuhan ang ating mga babae kung tayo na rin ang nagbibigay ng masamang halimbawa sa di pagpipitagan sa kanila? Maaari kayang mahintay natin na ang Pilipino'y igalang, kungdi iginagalang ang ating mga babae? Sa matandang kasaysayan ng mga unang bansa ay isa na sa mga kinikilingang malaking kabanalan ng isang maginoong matapang at may dangal ang paggalang sa babae, pagka't ang ugaling kumandili sa kapurihan at buhay ng isang mahina ay nagpapakilalala ng kalakhan ng puso at kadakilaan ng kaluluwa. At dapat mabatid na ang kabanalang ito'y hindi lamang isang hamak na pangangailangan ng panahong yaon ng "romantisismo" kungdi isa sa malaking pangangailangan sa buhay ng mga bayan, sapagkat kung ang babai'y lagi nang pinagpipitaganan sa loob ng kalipunang kinabibilangan niya, ay madali siyang makapag-aankin ng ugaling marangal at karapat-dapat, na kung manahin ng mga anak, ay magtatanim sa budhi ng mga ito ng katapangan at katibayang-loob para sa malalaking panukala, at sa mga gawaing kabayanihan. Muling lumalabas kay Mabini ang patungkol sa kahinaan ng babae na siya ring binanggit ni Jacinto. Idiniin ni Mabini na ang di-pagsasamantala ng kahinaan ng kababaihan ay kumakatawan sa kalakhan ng puso at kadakilaan ng kaluluwa. Inuulit rin ni Mabini ang paniniwala ni Rizal na ang pagkakaroon ng mga inang mulat sa kanilang karapatan ay magbibigay daan sa mga mulat na anak. Sa panukalang konstitusyon ni Mabini may probisyon tungkol sa kababaihan sa unang artikulo. Sabi ng probisyon: Filipino women may not exercise a public office which may carry with it jurisdiction; but they may exercise all those which not being of this character may be compatible with the dignity of their sex, provided that they do not lead a licentious life and may have the qualifications of capacity required by the laws. On the other hand, they shall be exempt from military service and from the personal tax; but they shall pay the taxes belonging to the profession or industry that they may exercise. The women tax-payers who may have attained twenty one years of age and should not be subject to paternal or marital authority will have the right to vote for any public office, unless they may have lost this right by reason of their leading a licentious life or are awaiting trial or are convicted for some criminal offense. Women may study any branch of science or of the arts in the institutions of public instruction maintained by the State, by the provinces or by the pueblos, and may practice the professions corresponding to their certificates. Nababanaag sa probisyon na ito ang ilang progresibong ideya ni Mabini hinggil sa kababaihan. Bagaman ipinagbabawal niya ang pag-upo ng kababaihan sa mga puwestong may constituency hindi niya ipinagbabawal umupo ang isang babae sa isang pwestong publikong bagay sa kanya. Kapansin-pansin rin na pagsampa ng babae sa gulang na 21 taon, malaya siya sa kapangyarihan ng kanyang ama at asawa. Naniniwala si Mabini na sa gulang na ito ay handa na ang isang babaeng magdesisyon ng sarili at bumoto. Ipinapakita ng lahat ng ito ang malaking tiwala at positibong tingin ni Mabini sa kababaihan. Sayang nga lamang na sa halip na ang kanyang panukalang konstitusyon ay ang panukalang konstitusyon ni Felipe Caderon ang tinanggap ng Kongreso ng Malolos. Ang kababaihan at ang Inang BayanGanito man itinakda ng kalalakihan ang papel ng Filipina, makikita na hindi pumayag ang kababaihan na makulong sila sa hulmang itinakda sa kanila. Ipinakita ito sa maraming pagkakataon at lalo itong pinatingkad nang mamulat ang Filipina sa sinasapit ng Inang Bayan. Sinasabi na ang pagtatatag ng mga lohiya ng masoneriya sa Filipinas ay bunga ng umuunlad na damdamin laban sa praylokrasya. Ang mga lohiya ang naging lugar kung saan idinaraos ang mga talakayan tungkol sa kondisyon ng bayan at naging lugar kung saan ang mga kalayaan gaya ng pananalita at pagtititipon ay nagkaroon ng lehitimong anyo. Nagsimula ang mga lohiya sa kalalakihan ngunit di naglaon ay nagkaroon rin ng isang lohiya para sa mga babae. Ang pagtatatag ng isang lohiya para sa babae ay maituturing na simula ng kamulatan ng kababaihan sa isang alternatibong kaayusan. Kung titingnan ang masoneriya bilang paraan upang banggain ang umiiral na praylokrasya sa Filipinas, pinahihiwatig ng pagtatatag ng isang lohiya sa hanay ng kababaihan ang pagtutol sa kasalukuyang kaayusan. Ipinahiwatig rin ni Rizal kay Blumentritt na ang kanyang ina at mga kapatid na babae ay hindi na nagsisimba dahil sa mga katiwalian ng mga prayle ngunit nanininiwala pa rin sa Panginoon at sa Birheng Maria. Kinikilala si Rosario Villaruel bilang unang babaeng mason sa Filipinas. Ang ama ni Rosario na si Faustino Villaruel ay isa ring mason. Si Rosario ay may 18 taong gulang lamang noong siya'y pumasok sa masoneriya at nabigyan ng simbolikong pangalan na "Minerva." Siya ang nagtatag ng unang lohiya para sa babae na pinangalanang Logia de Adopcion.7 Miyembro rin ng lohiyang ito ang kapatid ni Jose Rizal na si Trinidad na binigyan ng simbolikong pangalan ng "Sumibol." Inilarawan si Rosario na edukada at may modernong pag-iisip. Hindi raw niya gawi ang humalik sa kamay ng prayle at minsan ay nasaktan niya ang isang prayle na ibig siyang pagsamantalahan. Naging mainit siya sa paningin ng mga prayle. Noong dinakip siya noong 1896, si Rosario ay pinahirapan. Binansagan siya ng mga pahayagang Espanyol bilang "Ang matamlay na Madonna" hindi sa awa kundi bilang pagtuya sa kanya. Bagaman ang pagtatatag ng sangay ng kababaihan ng Katipunan ay nagmula kay Andres Bonifacio sa harap na pagsususpetsa ng mga babaeng asawa ng mga Katipunero, bukas loob na tinanggap ng 29 babae ang tungkulin na itago ang Katipunan sa mga Kastila. Sa dahilang ito, itinakda na ang maaari lamang maging miyembro o kasapi ay mga asawa at kapatid na babae at mga ina. Mauunawaan kung gayon ang mga unang miyembro na sila:
May 20 pang babae na hindi na natin makilala. Nang pumutok ang Rebolusyon, hindi nag-atubili ang mga babae na lumahok sa pamamagitan ng iba't ibang paraan. Nariyan ang pagbigay ng tulong sa mga rebolusyonaryo sa pamamagitan ng pagbukas ng kanilang mga kamalig. Ito ang pinamalas nina Melchora Aquino na kilala sa pangalang Tandang Sora, Macaria Geronimo (asawa ni Candido Tria Tirona) at Trinidad Famy (ina ni Emilio Aguinaldo). Ikinuwento ni Andres Bonifacio kung paano ang palay na mula sa kamalig ni Tandang Sora ay binayo at kahit hindi pa naalis nang lubos ang ipa ay niluto upang pakainin ang mga nagtipong mga Katipunero. Binanggit naman ni Aguinaldo na binuksan ni Macaria Geronimo at ng kanyang ina ang kani-kanilang kamalig upang bigyan ng bigas ang mga lumalaban na mga Filipino pati na ang kanilang mga pamilya. Para sa akin ang kahanga-hanga sa kanilang tatlo ay si Melchora Aquino. Noong siya ay ipinatapon sa Guam noong 1896 may 84 na taong gulang siya. Ang kanyang larawan na kuha bago siya sumakay sa barkong "Churucca" ay salamin ng kanyang pagiging isang babaeng matatag at malakas. Pitong taon ang kanyang itinigil sa Guam at bumalik siya sa Filipinas noong 1903 sa gulang na 91 taon. Namayapa siya noong 1919. Una siyang inilibing sa Cementerio del Norte hanggang inilipat ang kanyang labi sa Himlayang Pilipino. Nakita rin ang partisipasyon ng kababaihan sa pagbigay ng pagkain sa mga sundalo at pag-aruga sa mga sugatan. Kahanga-hanga ayon kay Aguinaldo ang suporta na ipinakita ng taong bayan, kasama ang kababaihan, sa labanan sa Zapote. Winika niya ang ganito: Ang inasal ng taong bayan noong panahon na ito ay tunay na kapuri-puri. Tuwing may putukan, sila ay dumarating at handang tumulong. Ang kababaihan at bata ay may dalang pagkain at tubig. Ang mga sugatan ay kanilang inuuwi sa kanila at inaalagaan. Hindi kilala sa atin na may kababaihan na lumahok sa larangan ng labanan. Madalas mabanggit sina Agueda Kahabagan ng Laguna, Trinidad Tecson ng Bulacan, at Teresa Magbanua ng Iloilo, atbp. Si Agueda Kahabagan ay kasama ni Artemio Ricarte na lumusob sa kuwartel ng mga Espanyol sa San Pablo, Laguna. Si Trinidad Tecson na tubong Bulacan ay kasama sa mga labanan sa Gitnang Luzon lalo na sa mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija at Zambales. Sa Biak-na-bato si Tecson ang nag-alaga ng mga rebolusyonaryong sugatan at may sakit. Tubo naman ng Iloilo si Teresa Magbanua. Lumapit siya sa kanyang tiyo na si Heneral Perfecto Poblador upang lumahok sa labanan. Ngunit walang papantay sa magandang paglalarawan kay Alejandra Nocon, ina ng rebolusyonaryong Santos Nocon. Ganito inilarawan ni Santiago Alvarez si Matandang Anday: At si ginang Alejandra, bao ni Nocon, sa tawag ng Matandang Anday, may mahigpit na limampung taong gulang noong 1896, sa kanyang napakasidhing pag-ibig, at pagtulong sa himagsikan upang matamo ang kalayaan, at bukas ang pusong naghahandog ng kanyang kayang kabuhayan, sa pangangailangan ng mga nagtatanggol ng kalayaan, at sa lahat ng labanan ay biglang sumipot sa piling ng mga kawal ng bayan, kandong ang maraming batong buhay na pamukol, may bitin sa bigkis ng baywang na isang gulok at isang balaraw, na matalas, mga sandatang sadya niyang pananggol sa pagmimithing siya'y mapalaban din; bukod sa bagay na ito may dala ring isang supot na kayo ng arina ng trigo, laging puno ng tinapay at itinataan sa mga kawal na aabutin ng gutom. May banggit rin ng ilang babaeng kasama sa revolutionary intelligence service, tulad nina Macaria de la Cruz, Pilar Jueves, at Esperanza Solteras. Hindi lamang sa ganitong mga paraan ipinamalas ng kababaihan ang kanilang pagtulong sa rebolusyon. Pinili ng ilan na iparating ang kanilang pagkakaisa sa pambansang mithiin ng kalayaan sa pamamagitan ng pagsulat ng tula. Noong 1899 sa pahayagang Heraldo Filipino isang tula ay kolektibong linikha nina Victoria Lactaw, Feliza Kahatol, Patricia Himagsik, Dolores Katindig, Felipa Kapuloan at Victoria Mausig. Tunay man o hindi ang kanilang mga apelyido ay napakasimboliko. Tinutukoy ko dito ang apelyidong "Himagsik," "Kapuloan," at "Mausig." Mababasa sa ibaba ang kanilang tula: Halina at tayo'y Ang pagsasarili'y At dito'y wala na Masakop man tayo Dahil sa ating KonklusyonIpinakita ng maikling papel na ito na ang rebolusyon ay nagbigay daan sa pagmulat sa kababaihan tungo sa isang adhikain na labas sa personal na interes o sa pampamilyang interes. Iniangat ang kanilang interes para sa isang higit na masaklaw sa Inang Bayan at Inang Filipinas. Iniluwal ng rebolusyon ang isang bagong Filipina na may kalinga sa bayan. Sa larangan man ng labanan o sa paraang mahinahon ay ipinamalas niya ito. 1 Papel na binasa noong ika-15 ng Marso 1996 sa Vargas Museum.
|
|
| ||
|
Lupon ng Sentenaryo |
|
||||