|

Anna Theresa L. Licaros
BA BroadCommunication 2005
Summa Cum Laude
Pangulong Emerlinda
Román, Chanselor Sergio Cao, mga miyembro ng Lupon ng mga
Rehente, mga dekano ng iba’t ibang kolehiyo, mga miyembro ng
kaguruan, Mga miyembro ng diplomatic corps, Ginoong Ryan
Cayabyab, mga natataing bisita, aming minamahal na mga magulang, at
mga nagsipagdalo…
Mga
kapwa kong
nagsipagtapos…
Magandang
gabi sa inyong lahat.
Hanggang
ngayon ay
kinikilabutan pa rin ako sa tuwing madadaanan ko si Oblê. Iyong mga
pagkakataong madadaanan ko siya sa hapon at papalubog ang
araw. Madalas galing akong Philcoa, kaya bababa ako sa kanto ng
University Avenue at Academic Oval para maglakad papuntang Mass Comm.
Sa pagdaan ko sa tapat niya ay mayroong ilang segundong kaming
dalawa lang ang nandoon at walang ibang dumadaan. Iyon ang mga
sandaling sumasagi sa isip ko ang realidad ng aking pagiging taga-UP.
Mga sandali na pinaghalong ka-astigan, ka-angasan, takot,
pagmamalaki, kaba, yabang, pagpapakumbaba, at lugod…
Sa
madaling salita,
ilang segundo na para akong nasisiraan. Pero mabilis lang naman ang
mga sandaling iyon. Isang bugso ng mga imahe, mga sipi ng musika at
kulay… para akong nag-e-MTV pag dumadaan doon. Isang sandali na
kaming dalawa lang ni Oblê. Bakit kaya ako nagkakaganoon?
Kayong mga kapwa ko iskolar ng bayan, nararamdaman niyo rin ba iyon?
Isa pa yan… “Iskolar ng bayan.” Pag naririnig ko ang mga
katagang iyon… tumitindig ang balahibo ko. Bakit kaya? Bakit
ganoon na lang ang epekto ng mga iyan sa akin?
Hindi
ako OA. Sadya
lang sigurong matindi ang naitanim sa akin na pagpapahalaga at
pagtatangi para sa Unibersidad ng Pilipinas. Siguro dahil bata pa
lang ako eh pinapangarap ko nang dito makapag-tapos. Siguro dahil
ang tatay ko, dito rin gradweyt. Siguro dahil dito sa UP ko
natagpuan ang tunay na ibig sabihin ng pag-aalay ng sarili.
Kung
tutuusin, ang
angking galing ng mga taga-UP ay bunga ng pagbabayanihan ng
sambayanang Pilipino. Ang ating edukasyon ay natustusan mula sa
bulsa ng mga kababayang nagbabayad ng buwis. Ang ating kaalaman ay
bunga ng mga butil ng karunungang ipinunla ng ating mga guro. Ang
ating pagkatao ay hinulma ng ating pamilya, mga kaibigan at
komunidad. Kumbaga’y ang bawat isa sa ating mga nagtatapos ngayon
ay isang buklod ng mga buong-pusong pag-aalay ng napakaraming tao.
Natutunan
ko sa aking kapatid na si Biboy na ang pinakamalapit na salitang
Pilipino para sa Oblation ay Pahinungód. Ang Pahinungód
ay Cebuano para sa Oblation o offering. Ang una kong naiisip
pag sinasabi ang salitang ito ay ang org ng mga taong boluntaryong
nag-aalay ng kanilang oras at kagalingan. Hindi ako naging member ng
UP Pahinungód pero hanga ako sa gawain nila. Hindi lamang
iisang beses ko nadaanan ang mga poster nila, at nabalitaan ang
naging problema nila noong nakaraang taon. Marami rin sa atin ang
hindi nakasali rito. Siguro ito ay dahil sa hindi pa lang tayo handa
nang una tayong tawagin. Ngunit sa aking palagay, ang tunay an
espirito ng Pahinungód ay isinasabuhay ng bawat isko at iska
sa iba’t ibang paraan. Lahat tayo rito ay kayang mag-alay ng
sarili nang buong-buo dahil ito ay isang katangian na hinuhubog ng
UP. Ang bawat isa sa atin ay nakapagbigay nang todo-todo sa kahit
isang bagay man lamang sa buong pamamalagi sa campus. Maging sa
thesis niya, sa org niya, sa STS report… basta. Ito ang hinihingi
ng UP sa bawat estudyante nito, sa bawat pagkakataon. Ibigay mo ang
todo mo, ang lahat-lahat mo… o huwag na lang. Ibuhos mo ang lahat
o umuwi ka na lang, hindi ka pang-UP.
Sa
ating pagtatapos,
nawa’y mas isabuhay natin ang espirito ng Pahinungod. Tayo ay
mag-alay ng ating mga sarili ng buong-buo. Hindi ko iminumungkahi
ang pagpapaka-martir. Ibang usapan ang hayaan mong pagsamantalahan
ang iyong galing at kakayahan. Sa kalibre natin, mas nararapat ngang
mag-dahan-dahan tayo sa pagpili ng kung saan natin iaalay ang ating
galing at diwa… sa kung anong bagay ang ating paghuhusayin.
Nakalulungkot mang aminin, ngunit walang kasiguruhan na pagkakuha ng
edukasyong UP ay matinong tao na ang labas mo.
Alam
kong hindi rin
maiiwasan ang pagtutunggali ng praktika at prinsipyo lalo na sa mga
bagong graduate tulad natin. Ngunit lagi nating tandaan na lahat
tayo ay pipili ng prayoridad sa buhay… at walang maling prayoridad.
Mahalaga rin na iyong gawin ang makapagbibigay ng kabuuan at saysay
sa iyo. Maaring ang unahin mo ay ang iyong pamilya, o sariling
karera o bayan… walang makapaghuhusga sa pipiliin mong maging
prayoridad; ngunit kailangang kaya mo itong panindigan. Ang
mahalagang tandaan ay hindi iisa ang ating responsibilidad. Mayroon
tayong pananagutan sa ating kapwa, sa ating pamilya, sa ating sarili
at sa ating bayan. Mayroon tayong responsibilidad na tugunan sa abot
ng ating makakaya ang lahat ng mga ito.
Balikan
natin ng
sandali ang aming moment ni Oblê … ang tanong ko kanina ay
bakit nga ba ako nagkakaganon? Sa aking palagay, ito ay dahil kusang
sumasagot ang aking damdamin sa tuwing nakikita ko ang mga simbolo’t
senyales ng UP para sa pag-aalay ng sarili. Sila’y naririyan
lamang, tumatawag sa atin, nagpapaalala at humihikayat… ang ating
mga diwa at pagkatao naman ay sumasagot at tumutugon. Ako parang
MTV. Ikaw, kinikilabutan. Siya, naluluha. Kaniya-kaniyang moment
lang yan… pero lahat tayo nararanasan yun. Aminin man natin o
hindi.
Pag
dumagundong na
ang unang mga kuwerdas ng UP Naming Mahal pagkatapos manalo ng UP
Maroons… pag nadadaan ka sa Oblation… pag naririnig mong
tinatawag kang “iskolar ng bayan…” Ngunit ang mas mahalaga ay
kung ano ang ginagawa natin sa mga pagkakataong iyon. Atin bang
pinagdadaig ang apoy na nasisindihan ang ating kamalayang Pahinungod
o palagi ba itong ningas kugon lamang?
Magagaling
tayo. Alam
na natin yan. Ngunit ang kagalingang hindi naisasabuhay sa
paglilingkod at pagbabahagi ng sarili ay walang saysay. Isang hungkag
na selebrasyon ito kung ipagdiriwang lamang natin ang ating galing at
katalinuhan, at matapos nito ay hindi naman ibabahagi. Ang
pagtatapos na ito ay nagkakaroon ng natatanging halaga dahil ito ay
nagsisilbing pagpapaalala sa ating mga iskolar ng bayan, tungkol sa
Pahinungód ng bawat isa.
Magandang
gabi at
mabuhay tayong lahat.
Back to main
page
|