print preview

Pamaskong Eksibit 2009

Mga Alituntunin sa Pagtatanghal at Paligsahan ng Eksibit

 

            Ipagpapatuloy natin sa taong ito ang mga eksibit bilang bahagi ng ating pagdiriwang.  Gaya nang nakaraang taon, ang eksibit ay itatayo sa loob ng mga kolehiyo upang maiwasan ang pinsala na dulot ng madalas na pag-ulan.

 

A.  Konsepto

            Ang tema ng 2009 Pamaskong Programa - Kapaskuhan Kalikasan Kinabukasan.  Ayon dito, hinihikayat  ang mga akademikong yunit na itanghal ang mga maipagmamalaking likhain ng mga guro, mag-aaral, alumni, REPS at kawani, gaya ng mga publikasyon, likhang-sining, likhang-teknolohiya, presentasyon ng mga tuklas, interactive na presentasyon, at iba pa, na may kaugnayan sa kalikasan at kapaligiran, sa mga paraan ng pangangalaga dito, sa kaugnayan ng mga ito sa ating buhay, at iba pa.

 

B.  Mga maaaring mag-eksibit

            Ang mga akademikong yunit ang mga pangunahing eksibitor.  Maaaring may hiwalay na eksibit ang mga kinikilalang organisasyong pang-mag-aaral sa mga espasyong may pahintulot ng mga kolehiyo.  Kung nanaisin, maaaring magsanib ang hindi hihigit sa apat (4) na kinikilalang organisasyon sa isang eksibit, o kaya’y sumanib sa eksibit ng akademikong yunit.

 

C.  Mga nilalaman ng eksibit

            Pangunahing tampok sa mga eksibit ang mga publikasyon, likhang-sining, likhang-teknolohiya, presentasyon ng mga tuklas, interactive na presentasyon at mga produkto ng mga kolehiyo o organisasyon na may kaugnayan sa akademikong programa.  Maaaring ipagbili ang mga ito sa publiko kapag nakita na ng lupon ng inampalan na pipili ng pinakamahusay na eksibit.

            Hindi dapat isama sa eksibit ang mga panindang pagkain, dry goods, mga panregalo at iba pa maliban kung maliwanag na may kaugnayan ito sa akademikong programa ng yunit.

            Ingatang walang mapanganib o nakasasakit sa mga bagay na naka-eksibit.

            Ipinauubaya sa mga eksibitor ang laki at disenyo ng mga eksibit ngunit hinihiling na ilagay ito sa mga dakong madaling makita ng publiko, gaya ng mga lobby ng gusali ng kolehiyo.

 

 Batayan ng Paligsahan ng eksibit

  1. Kaugnayan ng disenyo sa tema ng pagdiriwang:  Kapaskuhan Kalikasan Kinabukasan

 

  1. Mapamaraang paggamit ng mga materyal (resourcefulness), at
  1. Antas ng pagka-malikhain o mga estetikong batayan, gaya ng kulay, texture, proporsiyon, kung paanong napagsama-sama ang lahat ng mga elemento upang mabuo ang komposisyon, atbp.

 

            Dadalawin ng mga inampalan ang mga eksibit upang piliin ang mananalo sa paligsahan simula ika-7 ng Disyembre.  Malalaman ang mga magwawagi sa Pamaskong Programa pagkatapos ng Parada ng mga Parol sa Disyembre 18.

            Tumawag sa Office of the Vice Chancellor for Student Affairs, telepono bilang 928-2886, at hanapin sina Bb. Jane Cenas, Bb. Cel Rodriguez o Bb. Janice Castro upang ipaalam na kayo ay kasali sa paligsahan ng eksibit nang sa gayon ay tiyak na madalaw kayo ng lupon ng inampalan.